Strike forces ng Army isasabak sa Negros, Bicol, Samar
MANILA, Philippines — Hindi mga sibilyan kundi mga strike forces ng Philippine Army ang isasabak ng Armed Forces of the Philippines sa Negros Occidental, Negros Oriental, Bicol at Samar upang supilin ang ‘state of lawlessness‘ ng rebeldeng New People’s Army (NPA) sa nasabing mga lugar.
Inihayag ito ni Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang pagtalima sa Memorandum Order (MO) 32 ni Pangulong Rodrigo Duterte na inatasan ang PNP at AFP na sugpuin ang karahasan ng NPA terrorists.
“These are the areas- Bicol, Samar and Negros na medyo malakas yung kalaban diyan, the NPA keeps doing things like burning, killing people, so this is a preemptive thing para masugpo sila,” pahayag ni Lorenzana.
Sinabi ni Lorenzana na hanggang malakas ang presensya ng NPA rebels ay mahihirapang maisulong ang “build, build program” ng pamahalaan o ang paggawa ng mga tulay at mga pangunahing lansangan lalo na sa mga kanayunan dahil karaniwan na itong sinasabotahe ng NPA.
Patuloy rin aniya ang pangongolekta ng revolutionary tax ng NPA sa mga negosyante.
Binigyang diin pa ni Lorenzana na kailangan ng higit na marami pang sundalo lalo na at nalalapit na ang midterm elections sa Mayo 2019.
Ayon sa kalihim, sa tuwing sasapit ang midterm elections ay malakas ang pangingikil ng Permit to Win (PTW) at Permit to Campaign (PTC) ng NPA rebels sa mga kandidato tulad ng pera, baril, bala at mga pagkain.
Maging ang mga botante ay pinipigilan din umano ng mga rebelde na ihalal ang mga kandidatong hindi pabor sa komunistang kilusan na isang seryosong paglabag sa Omnibus Election Code.
- Latest