Bentahan ng reclaimed land sa Mandaue inireklamo sa Ombudsman
MANILA, Philippines — Inireklamo sa Ombudsman ng mga kasalukuyan at dating konsehal ng Mandaue City si dating Mandaue City Mayor Jonas Cortes dahil sa umano’y hindi makatwirang pagbebenta sa 3.5 ektarya ng reclaimed land noong alkalde pa ito ng lungsod.
Sa kanilang sulat kay Ombudsman Samuel Martires na may petsang October 4, 2018, sinabi ng kasalukuyang councilors Elstone Dabon at Benjamin Basiga at dating councillor Jefferson Ceniza na hindi nila akalain na walang record ang lupain na na-classify bilang alienable at disposable nang busisiin ang dokumento sa pagbebenta sa naturang lupain.
Anila, inakala nilang ang transaksiyon ay regular at ang mga dokumento ay naaayon sa itinatakda ng batas.
Hindi rin umano naitala sa committee report ang sinasabi ni Cortes sa kanyang Facebook page noong August 22,2018 na ang DENR Administrative Order 99-34 ang sinasabing basehan ng approval sa bentahan ng lupa sa halagang P50 per square meter.
- Latest