‘Red October’ silat sa raid
MANILA, Philippines — Nasilat ng tropa ng militar ang “Red October” o ang planong pagpapatalsik kay Pangulong Duterte na diumano’y ilulunsad ng CPP-New People’s Army (CPP-NPA), oposisyon at iba pang grupo matapos ang raid sa safehouse ng mga lider ng mga rebeldeng komunista sa Southern Tagalog Region, kahapon ng umaga.
Sa report ni Brig. Gen. Arnulfo Marcelo Burgos Jr., commander ng Army’s 202nd Infantry Brigade, dakong alas-7:30 ng umaga nang isilbi nila ang search warrant sa Coral Farm sa Brgy. Dalig, Teresa, Rizal na hinihinalang safehouse ng mga matataas na lider ng NPA sa Southern Tagalog.
Ayon kay Burgos, ang nasabing farm base sa intelligence report ay pinagkukutaan ng mga lider ng NPA na sina Armando Lazarte alyas Pat/Romano, secretary ng NPA’s sub –Regional Military Area IV A at Tirso Alcantara alyas Bart, dating commander ng NPA Terrorists Regional Yunit Guerilla.
Nabatid naman kay Lt. Col. Melencio Ragudo, Commander ng Army’s 80th Infantry Battalion, na nagsagawa sila ng pinagsanib na law enforcement operations ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Coral Farm.
Narekober sa operasyon ang apat na M653 Baby Armalite rifles, isang M203 grenade launcher, limang US 12 gauge shotguns, isang cal. 45 pistol, isang cal. 38 revolver, isang 9 Mm KG3 machine pistol, anim na units ng two-way radios, dalawang granada, walong cell phones, mga dokumento at sari-saring mga kagamitang pandigma.
- Latest