Trece Martires mayor kinasuhansa pagpatay sa vice mayor
MANILA, Philippines — Kasong murder at frustrated murder ang isinampa sa Department of Justice (DOJ) laban kay Trece Martires City, Cavite Mayor Melandres de Sagun kaugnay sa pagkamatay ni Vice Mayor Alexander Lubigan.
Sa press conference, sinabi ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde na si Mayor Sagun ang ikinantang mastermind sa krimen.
“I am pleased to take note of the significant developments in the investigation of the high-profile murder of Trece Martires City Vice Mayor Alex Lubigan and his driver Romulo Guillemer,” anang PNP chief.
Sinabi ni PNP PRO-4A Regional Director P/CSupt Eduard Caranza kasama sa mga kinasuhan ang umano’y gunman na kinilalang si Ariel Paiton at si Luis Abad, ang driver ng Hi-lux na ginamit sa krimen.
Kinasuhan din ang isang Konsehal ng Maragondon, Cavite na si Umbre Arce, na umano’y tumanggap ng P25,000 para sa pag-dispose ng Hi-Lux vehicle at isang Brgy. Captain ng Maragondon, Cavite.
Bukod sa mga ito, sinabi ni Caranza na pinaghahanap pa ng PNP ang iba pang mga kasabwat sa krimen kabilang ang 7 spotters sa krimen.
Matatandaan na si Lubigan ay tinambangan noong Hulyo 7 kung saan napatay rin ang kanyang driver na si Guillemer.
Tinitingnan motibo sa pagpaslang ang anggulong pulitika.
Iginiit naman ng kampo ni de Sagun na wala siya sa bansa nang mangyari ang krimen. (Doris Franche/with trainee Hermie Rivera)
- Latest