Eroplano sumadsad, libu-libo na-stranded
MANILA, Philippines — Nagdulot ng malaking perwisyo sa libu-libong pasahero ng ibat-ibang airlines ang pagkakabara ng isang dambuhalang Boeing 737-800 ng Xiamen Air matapos na sumadsad sa runway habang nasa kasagsagan ng malakas na ulan sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA), kahapon.
Sinabi ni MIAA general Manager Ed Monreal, ang aberya ay nangyari bandang alas-11:55 kamakalawa ng gabi nang sumadsad ang Xiamen Air flight MF8667 habang kasagsagan ng malakas na buhos ng ulan sa runway 06/24.
Ligtas ang may 157 pasahero nito.
Dahil sa pangyayari ay agad na rumesponde ang MIAA Crash and Rescue team, Medical team at ilang airport security personnel upang tiyakin ang kaligtasan ng mga pasahero.
Nailabas ng maayos ang mga sakay nito at dinala sa Terminal 1 at pinagkalooban ng pagkain at kumot pero lahat ng mga pasahero ay basang-basa ang mga suot na damit.
Kasunod nito ay dinala ng mga staff ng Xiamen Air ang kanilang mga pasahero sa pinakamalapit na hotel para doon magpahinga habang hinihintay na muling mag-resume ang biyahe ng eroplano.
Samantala, dahil sa insidente ay nanatiling sarado mula alas-12 ng hatinggabi hanggang kahapon ng gabi ang runway 06/24 dahilan upang maapektuhan naman ang biyahe ng International at Domestic flights ng ibat-ibang airline companies.
Karamihan sa International flights ay nag-divert sa Clark International airport at Mactan-Cebu International airport.
Nangako naman ang pamunuan ng MIAA ng anumang tulong na maaaring ipagkaloob sa mga naapektuhang pasahero.
Nakipag-ugnayan sina Monreal at CAAP Director General Jim Sydiongco sa mga opisyal ng airline company habang isinasagawa ang clearing operations at imbestigasyon kung ano talaga ang naging sanhi ng naturang insidente.
Ayon sa report tumalsik umano ang kaliwang makina ng eroplano matapos ang hard landing at nasira daw ang landing gear pagsayad nito sa runway.
- Latest