NAIA mananatiling pangunahing airport sa Phl
MANILA, Philippines — Nais ng ilang opisyal ng Department of Transportation (DOTr) na manatiling pangunahing airport sa bansa ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) matapos irekomendang ibasura ang prinopose na P552.018 bilyong Sangley Point International Airport project ng Cavite Provincial Government.
Sa memorandum nina DOTr Undersecretary for Legal and Procurement Reinier Paul Yebra, Assistant Secretary for Legal Affairs Mark Steven Pastor, at Assistant Secretary for Procurement at hepe rin ng DOTr Legal Service Giovanni Lopez, inirekomenda nila kay DOTr Undersecretary Ruben Reinoso na ‘wag pumirma sa isang memorandum of agreement na inihatag ng Cavite provincial government para sa kanilang alok na gawing pangunahing international airport ang Danilo Atienza Air Base sa Sangley Point, Cavite.
Ayon sa tatlong opisyal, walang kakayahang pang teknikal at pinansyal ang Cavite provincial government para magsagawa ng isang dambuhalang proyekto na aabutin ng higit kalahating trilyong piso.
Una ng inaprubahan ng DOTr ang isang alok na ayusin ang NAIA ng tinaguriang “super consortium” o grupo ng malalaking korporasyon na kinabibilangan ng Metro Pacific Investment Corp. ng grupo ni Manuel V. Pangilinan; Abotiz InfraCapital Inc., AC Infrastructure Holdings Corp. ng mga Ayala; Alliance Global Group ni Andrew Tan, Asia’s Emerging Dragon Corp. ni Lucio Tan; Filinvest Development Corp. ng nasirang Andrew Gotianun at JG Summit Holdings Inc. ni John Gokongwei.
Binigyan ng DOTr ang “super consortium” ng “original proponent status” para sa kanilang mungkahi na ayusin at pagandahin ang NAIA para makapagsilbi ng mas marami pang pasahero.
- Latest