Suarez kinilalang minority leader ng liderato ni GMA
MANILA, Philippines — Kinilala ng liderato ni House Speaker Gloria Macapagal Arroyo si Quezon Rep. Danilo Suarez bilang lehitimong House Minority leader.
Ito’y matapos umanong imbitahin si Suarez sa meeting ng House committee on rules noong Martes.
Sinabi ni Deputy Minority leader at Ako Bicol party-list Rep. Alfredo Garbin na ang pagpupulong ng rules committee ay malinaw na indikasyon na ang grupo nila ang kinikilala bilang lehitimong minority bloc.
Giit pa ni Garbin na kung ibang grupo ang kinikilalang minority leader ay dapat sila ang naimbitahan na dumalo sa rules committee hearing.
Bukod kay Suarez, kabilang sa nag-a-apply bilang minority group sa Kamara ang grupo nina dating majority leader Rudy Fariñas at Marikina Rep. Miro Quimbo.
Giit naman ni Vice Pres. Leni Robredo, kailangang kilalanin ang grupong pinamumunuan ni Rep. Quimbo bilang House minority bloc, at ang pagresolba umano sa isyu ay pagsubok sa liderato ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.
“How (Arroyo) handles it will be reflective on the kind of leadership she will implement in the House,” ani Robredo.
Ginawa ni Robredo ang pahayag sa gitna ng usaping hindi pa nareresolba ang isyu ng House minority group, na may tatlong paksyon sa chamber na pawang nais kilalaning kasunod ng leadership reorganization noong nakaraang linggo.
Sina Robredo at Quimbo ay kapwa kabilang sa Liberal Party (LP).
“If you follow the House’s rules (Quimbo’s group) is the one deserving (to be recognized as House minority),” wika ni Robredo.
- Latest