Vice Mayor, 11 pa ipinasisibak ng Ombudsman
MANILA, Philippines — Ipinasisibak ng Office of the Ombudsman ang bise alkalde ng Cabanatuan City at ang 11 pang opisyal ng lungsod matapos mapatunayang ginamit ng mga ito ang mga relief goods ng DSWD para isulong ang kanilang mga pansariling interest.
Sa March 7, 2018 decision na inilabas ng Ombudsman Graft Investigation and Prosecution Officer Rio Rose B. Santos, inatasan nito ang DILG na tanggalin sa puwesto sina Cabanatuan Vice Mayor Emmanuel Antonio Umali, Councilor Gabriel Calling, Councilor Johnero Mercado, Barangay Chairman Ramon Garcia, Barangay Chairman Richard Medina, OIC Leoncio Daniel, Administrative Office Emilita Muyot, Social Welfare Officer Fannie Bugayong, Nutrition Officer Lutgardia Domingo, Bookbinder Teresa Castelo at Social Welfare Irenea Palma.
Bukod sa pagdismis sa serbisyo, pinakakansela rin ng Ombudsman ang service elligibility, retirement benefits ng mga ito at pinagbabawalan din sila na makapagserbisyo sa gobyerno nang habambuhay.
Kasama rin sa hinatulan si dating Nueva Ecija Governor Aurelio Umali subalit natapos na ang termino nito kaya naging moot and academic ang kasong administratibo laban sa kanya.
Ayon sa Ombudsman, liable ang mga opisyal sa kasong grave misconduct, grave abuse of authority at conduct prejudicial to the best interest of service.
Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng isang Josephine D.J. Libunao matapos nitong akusahan ang mga opisyal na nagsabwatan para angkinin ang kahun-kahong DSWD relief goods na dumating noong January 2016 para ipamigay sa mga biktkima ng kalamidad.
Ayon pa sa reklamo, inalis ng mga opisyal sa DSWD boxes ang mga relief goods at inilipat sa mga plastic bags na may kanya-kanyang pangalan ang mga pulitiko at pinalitaw na sila ang nagbigay ng mga ito at hindi ang ahensiya.
- Latest