‘Probe pa more sa DoT’- Puyat
MANILA, Philippines — Makaraang mabunyag ang umano’y anomalya sa Buhay Carinderia project ng Department of Tourism, pinaiimbestigahan na rin ni Secretary Berna Romulo-Puyat ang iba pang mga proyekto kabilang na ang fashion shows at golf tournament at maging ang mga foreign trips ng mga opisyal nito.
Ayon kay Romulo-Puyat, posible umanong may hindi tamang paggasta sa proyekto na kailangan na sumailalim sa masusing imbestigasyon.
Dahil dito, sinabi ni Romulo-Puyat na hihilingin niya ang karagdagang auditors sa DoT upang malaman kung tama ang paggastos sa mga proyekto ng DoT.
Inamin ni Romulo-Puyat na naiyak siya sa kanyang nadiskubreng pera ng DoT at ang mga paggastos dito.
Aniya, galing siya sa Department of Agriculture na walang pera at maraming proyekto subalit hindi maisakatuparan dahil na rin sa kawalan ng pondo. Aminado si Romulo-Puyat na nagugulat siya sa kanyang nadiskubre na madaling na-audit ang mga perang ginamit samantalang sa DA ay hirap silang i-audit ang mga maliliit na pondo na kanilang ginagamit.
Giit ni Romulo-Puyat na araw-araw ay may nadidiskubre siyang gastos ng Tourism Promotion Board na umano’y hindi dumaan sa bidding. Wala ring malinaw na paliwanag kung saan ginasta ang mga pondo.
Lumilitaw din na ang mga tseke para sa mga proyekto ng TPB ay pirmado ni dating Tourism Secretary Wanda Teo at TPB Operation chief Cesar Montano.
“Hindi kayo nasa gobyerno para mag-around the world”, ani Romulo-Puyat.
Dagdag pa ni Romulo Puyat na hindi lamang P1 milyon o P2 milyon ang pinag-uusapan dito.Aniya, tumataginting na P320 milyon ang pinag-uusapan dito. Pera ito aniya ng taumbayan.
- Latest