Senado naghahanda na sa impeachment vs Sereno
MANILA, Philippines — Pinaghahandaan na ng Senado ang pagtatrabaho sa loob ng buong linggo sa sandaling magsimula na ang impeachment trial ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ayon kay Senate President Aquilino “Koko” Pimentel III, hahatiin nila ang work week kung saan ang Lunes at Martes ay maaaring ilagay sa regular na legislative work.
Maaari naman aniyang gawin ang trial mula Miyerkules hanggang Biyernes.
Sinabi pa ni Pimentel na posible ring ilipat sa Martes ang hearings ng Commission on Appointments (CA) na kalimitang ginagawa tuwing Miyerkules. Pero nilinaw niya na pinag-uusapan pa rin ang pinal na schedule tungkol sa pag-upo nila bilang impeachment court.
“Ideas pa lang yan ha. Wala pa kaming agreement diyan. Hatiin namin work week, Monday to Tuesday regular legislative work, Wednesday, Thusday, Friday, trial in the afternoon,” sabi pa ni Pimentel.
Sinabi pa ni Pimentel na susumpa sila bilang mga senator-judges sa kapag natanggap na ang articles of impeachment. Maaari rin aniyang iakyat sa Senado ang articles of impeachment kahit pa naka-break ang Senado pero maaari lamang magsimula ang trabaho kapag bumalik na ang sesyon.
Sa kasalukuyan ay apat na araw lamang sa isang linggo ang trabaho sa Senado samantalang ang regular na sesyon naman ay mula Lunes hanggang Miyerkules.
- Latest