JV, iba pang senator re-electionists masama ang loob kay Pimentel
MANILA, Philippines — Inilabas ni Sen. JV Ejercito ang sama ng loob kay Senate President Aquilino "Koko" Pimentel III matapos hindi siya makasama sa posibleng senatorial lineup ng PDP-Laban sa 2019 midterm polls.
Bukod kay Ejercito, hindi rin isinama ang iba pang re-electionists na sina Sonny Angara, Bam Aquino, Nancy Binay, Grace Poe at Cynthia Villar.
"Dun po 'yung sama ng loob ng mga re-electionist senators na naging supportive naman kami bakit parang ayaw kami isama sa administration coalition kung sakali," pahayag ni Ejercito ngayong Huwebes.
KILALANIN: 2019 senatorial lineup ng PDP-Laban
Inihayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez nitong kamakalawa ang mga manok nila sa pagkasenador kung saan kabilang sina dating MMDA chair Francis Tolentino, Oriental Mindoro Rep. Reynaldo Umali, Maguindanao Rep. Zajid "Dong" Mangudadatu, Bataan Rep. Geraldine Roman, Davao Rep. Karlo Nograles, presidential spokesperson Harry Roque at special assistant to the president Bong Go.
Sinabi ni Ejercito na nabanggit na naman nila ito kay Pimentel sa kanilang mga caucus.
"We have done our part to support sana naman alagaan din kami," patuloy ni Ejercito tungkol sa ibinibigay nilang suporta sa administrasyon.
"Sana ilaban naman yung six re-electionists who did their part in their support for the administration and more than that did their part in their performance as senators of the republic," dagdag niya.
Samantala, kung tuluyan silang hindi makakasama sa PDP-Laban slate ay posible silang tumakbo sa ilalim ng "Hugpong ng Pagbabago” ni Davao City Mayor Sara Duterte.
Sa kasalukuyan ay isa pa lamang ang tiyak sa mga re-electionists at ito ay ang magsama-sama sa darating na eleksyon.
Related video:
- Latest