^

Bansa

Babaeng OFW nangunguna sa dami

Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

MANILA, Philippines — Kapansin-pansin umano na, sa ka­salukuyan, mas ma­rami na ang mga babaeng overseas Filipino worker kumpara sa mga lalaking OFW.

Noong una kasi, mahigit apat na dekada na ang nakakaraan, mga lalaking Pilipino lang ang unang naipapadala para magtrabaho sa ibang bansa particular sa Saudi Arabia dahil na rin sa paglago ng industriya ng langis sa Gitnang Silangan.

Pero sinasabi ng mga tagamasid na, nga­yon, nananaig sa dami ng bilang ang mga babae kaysa sa mga lalaki at pabata pa nang pabata ang mga babaeng ito.

Sa huli umanong datos ng Philippine Statistics Authority (PSA) na iniulat sa isang pahayagang lokal sa United Arab Emirates, sa third quarter ng taong 2016, ang mga babaeng OFW ang bumubuo sa 53.6 porsiyento ng kabuuang 2.2 milyong OFW sa buong mundo. Mahigit two-third (67.8%) ng mga babaeng OFW ay may edad na nasa pagitan ng 25 at 39 anyos.

Mahigit naman sa kalahati (56.2%) ng mga babaeng OFW ay namamasukan sa tinatawag na elementary occupation tulad ng cleaner, helper, food preparation assistants, sales at service crew.

Ayon sa ilang opis­yal at advocacy group, ang naturang estadistika ay naglalabas ng naka­kabahalang lara­wan ng mga babae na maa­aring mabiktima ng pang-aabuso.

Ayon kay Dr. Naomi Hosoda, assistant professor ng Graduate School for Asian and African Studies ng Kyoto University, sa nagdaang 10 taon o higit pa, nasa average na 50-50 ang proportion ng babae kum­para sa lalake.

Ipinaliwanag ni Ho­soda sa ulat ng Filipino Times na  ang Pilipinas kasabay ng Indonesia at Sri Lanka ay kilala sa pagpapadala ng babaeng manggagawa sa ibang bansa. Ang iba kasing mga bansa sa mundo ay puro mga lalaki ang mga manggagawang ipinapadala nila para magtrabaho sa ibayong-dagat.

Maaari anyang isang dahilan ng pagdami ng bilang ng mga babaeng OFW ay ang pagkakapantay-pantay ng mga babae at lalaki sa Pilipinas.

Bagaman sinasabi anya na ang ama ang haligi ng tahanan habang ang ina ay ilaw ng tahanan, nababago ang sitwasyong ito dahil sa kalagayang pang-eko­nomiya ng Pilipinas.

Naoobligahan ang babae na tumulong sa paghahanap ng mapagkakakitaan ng pamilya lalo na kung maliit lang ang kinikita ng padre de pamilya o nawalan ito ng trabaho. Dahil dito, bago pa man naging­ popular ang international migration, napipilitan ang babae na maghanap ng trabaho.

Nang humihingi na ng mga babaeng manggagawa ang global labor market, sinamantala na ito ng mga ina para makapagtrabaho sa ibang bansa.

Sinabi ni Hosoda na naoobserbahan sa pang­kalahatan sa Southeast Asia ang easy gender role change na ito kaya hindi lang ito sa Pilipinas nangyayari.

Sa nagdaang mga taon, ayon pa kay Ho­soda na nakapagsulat na nang komprehensibo hinggil sa Filipino diaspora, naging bahagi na ng araw-araw na buhay ng mga Pilipino ang mig­ration.

“Noong 1970s, ang pagtatrabaho sa ibang bansa ay para lang sa mga lalake na nakipagsapalaran dahil bagong kalakaran pa lang ito nang panahong iyon. Pero, ngayon, bahagi na ito ng araw-araw na buhay sa Pilipinas,” paliwanag niya.

Dagdag anya rito, marami na ngayong mga Pilipino ang mga may miyembro ng pamilya o kamag-anak sa ibang bansa na handa silang imbitahan para makasama sila ng mga ito roon.

“Bahagi ito ng kulturang Pilipino na hinihingi sa mga matagumpay na mi­­grante ang obli­gasyong moral. Kaya, kung gusto mong mag-abroad ano man ang edad, mas madali nang umalis sa Pilipinas at maghanap nga­yon ng trabaho sa ibang bansa,” wika pa niya.

vuukle comment

PSN32ANNIV2018

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with