^

Bansa

Mga ‘petmalu’ na ipinaaresto ng Senado

Malou Escudero - Pilipino Star Ngayon
Mga �petmalu� na ipinaaresto ng Senado

MANILA, Philippines — Sa nakalipas na panahon marami-rami na ring mga sikat at “petmalu” na personalidad ang ipinaaresto at naikulong sa Senado kahit pa hindi naman bilangguan ang Mataas na Kapulungan.

Ang Senado ay may kapangyarihan na magpalabas ng subpoena at patawan ng contempt ang mga resource persons na hindi sumisipot sa imbestigasyon.

Maari ring patawan ng contempt ng mga senador ang mga resource persons na sumisipot nga sa padinig pero hindi naman sumasagot ng maayos o tahasang tumatangging sagutin ang mga tanong sa pagdinig katulad ni dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Isa si Faeldon sa “petmalu” na nakulong sa Senado dahil sa haba ng panahon na inilagi niya sa basement

Ayon kay Senate Sergeant-At-Arms Retired General Jose Balajadia, isa si Faeldon sa pinakamatagal na nakulong sa Senado na umabot sa halos anim na buwan mula Setyembre 11, 2017 hanggang Marso 12, 2018 bagaman at nai-turn over ito ng Senado sa Pasay City Jail mula Enero 30, 2018 hanggang sa mapakawalan siya noong Lunes.

Nagmatigas si Faeldon na humarap sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon committee tungkol sa P6.4 bilyong halaga ng shabu shipment na nakalusot sa bansa muna sa China at sa privilege speech ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na may titulong “Kita kita.”

Isa rin sa matagal na nakulong sa Senado si Arvin Balag na inaresto noong Oktubre 18, 2017 at pinakawalan lamang noong Disyembre 21, 2017. Napatawan din ng contempt si Balag dahil sa pagtangging sumagot sa tanong ng mga senador tungkol sa Anti-Hazing Bill at sa pagkamatay ng UST law student na si Horacio “Atio” Castillo III dahil sa hazing.

Kabilang sa sikat na personalidad na napadalhan ng warrant of arrest ay si Makati City Mayor Jejomar Erwin “Junjun” Binay na nakulong din sa Senado ng ilang oras noong Enero 29, 2015 dahil naman sa pagtangging humarap sa Senate Blue Ribbon Subcommittee tungkol sa imbestigasyon ng diumano’y korupsiyon sa pagpapatayo ng Makati City Hall Building II.

Nakulong din sa Senado si dating agriculture Undersecretary Jocelyn “Joc-Joc” Bolante noong Disyembre 3, 2008. Napatawan ng contempt si Bolante dahil sa diumano’y pagsisinungaling at pagbibigay ng magkakasalu­ngat na pahayag tungkol sa P728-miyon fertilizer fund scam.

Isa pa sa petmalu na ipinaaresto ng Senado ay si ret. PNP Dir. Eliseo de la Paz na kabilang sa tinawag na “Euro Gene­rals” dahil sa pagdadala ng 105,000 euros sa Russia noong 2008 ng dumalo sa 77th Interpol General Assembly sa St. Petersburg, Russia. Inimbestigahan ng Senado ang nasabing isyu.

Bagaman at hindi na inaresto si de la Paz, inila­gay ito sa ilalim ng kustodiya ni Atty. Noel Malaya.

Noong Marso 24, 2011 naman ay inaresto ng Senado si dating AFP comptroller Jacinto Ligot dahil sa pagtanggi nitong magsalita tungkol sa imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa katiwalian sa military.

Ipinaaresto rin ng Senado noong Pebrero 4, 2009 si Jaime Paule at ipinakulong sa Pasay City Jail ng tatlong araw dahil sa Fertilizer Fund Scam.

Isa pa sa sikat na personalidad na ipinaaresto at inilagay sa kustodiya ng Senado si Rodolfo “Jun” Lozada Jr. kaugnay sa kontrobersiyal na ZTE-NBN Project.

Noong 2006, ipina­aresto naman ng Senado ni dating Senate President Franklin Drilon si Presidential Commission on Good Government (PCGG) Chairman Camilo Sabio dahil sa iregularidad sa Philippine Communications Satellite Corp. (Philcomsat).

Hindi rin malilimutan ang pagkakaaresto naman sa testigong si Angelo “Ador” Mawanay noong Agosto 17, 2001 dahil sa diumano’y pagsisinungaling.

Tumestigo si Mawanay laban kay Senator Lacson na kaugnay sa diumano’y mga accounts nito sa ibang bansa.

Inakusahan dito ni Mawanay si Sen. Loren Legarda na bumili umano sa kanya ng P8.5 milyong halaga ng smuggled mobile phones, samantalang si dating Senator Noli de Castro naman umano ay tumanggap ng lagay mula kay Lacson noong isa pa itong TV journalist.

Hindi nakapagpakita ng ebidensiya si Mawanay kaugnay sa kanyang mga akusasyon kaya siya ikinulong.

Mayroon ding nakulong sa Senado dahil sa pyramid scam, at ang pinakasikat ay si Rosario Baladjay noong Marso 12, 2003. Inabot ng walong araw ang pagkakakulong ni Baladjay samantalang anim na oras naman ang 12 pa niyang kasamahan.

Nakulong naman sa loob ng anim na oras noong Marso 15, 2005 ang 12 bankers ng Standard Chartered dahil sa umano’y pang-iinsulto sa lehislatura. Inimbestigahan ng Senado ang diumano’y iligal na pagbebenta ng mutual funds ng Standard Chartered.

Maging si dating National Security adviser Norberto Gonzalez ay napatawan rin ng contempt ng Senado at inilagay sa ilalim ng hospital detention noong September 21, 2005 hanggang October 26, 2006 matapos tumangging sagutin ang tanong ng mga senador tungkol sa kuwestiyonableng P50.3 milyong kontrata na pinasok nito sa isang US-based lobby firm na Venable LLP.

Ayon kay Balajadia, ang nakalaang detention cell na nasa basement ng Senate building ay may kama, airconditio­ning at sariling comfort room. Wala itong bintana at wala ring antenna.

Sagot ng Senado ang pagkain ng mga nakukulong na personalidad at isinasailalim muna sila sa check-up ng Senate doctor bago dalhin sa detensiyon.

vuukle comment

PSN32ANNIV2018

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with