UN rights experts ipakain sa buwaya! - Duterte
MANILA, Philippines — Matapos sabihan ng opisyal ng United Nation na ipasuri ang kaniyang ulo, bumwelta naman si Pangulong Rodrigo Duterte at sinabing ipakain sa mga buwaya ang mag-iimbestiga sa kanila.
Pinayuhan ni Duterte ang mga pulis na huwag sumagot sa mga tanong ng mga imbestigador.
“Kaya the best way is just to keep silent,” sabi ni Duterte sa kaniyang talumpati nitong Sabado sa Zamboanga City.
“Eh magpuntahan dito 'yung mga g***." May mga buwaya ba dito? ‘Yung kumakain talaga ng tao. Doon mo itapon ang mga p*****... b***** ‘to,” dagdag niya.
Nitong Biyernes ay sinabi ni United Nations human rights chief Zeid Ra’ad Al-Hussein na kailangan ng psychiatric evaluation ni Duterte matapos niyang isama si UN special rapporteur on the rights of indigenous peoples Victoria Tauli-Corpuz sa listahan ng mga terorista ng pamahalaan.
Bago nito ay tinawag din ni Duterte sina UN special rapporteur for extrajudicial killings Agnes Callamard bilang “undernourished one” at International Criminal Court prosecutor Fatou Bensouda bilang “black woman.”
Sinabi ito ni Duterte matapos ihayag ng International Criminal Court na magsasagawa na sila ng preliminary investigation sa madugong kampanya laban sa ilegal na droga ng gobyerno.
Nag-ugat ito sa inihaing reklamo ng abogadong si Jude Sabio na siya ring tagapagtanggol ng whistleblower na si Edgar Matobato.
Naniniwala naman si Duterte na walang kapangyarihan ang ICC upang imbestigahan siya.
“Only these guys do not know their law. Eh I happen to be a lawyer. I was once upon a time a trial lawyer for almost 9 years. I should know my law.”
Related video:
- Latest