Media, Simbahan, CHR sama sa Tokhang
Para sa transparency - PNP
MANILA, Philippines — Isasama ng Philippine National Police (PNP) ang mga mediamen, lider ng mga simbahan at maging mga kinatawan ng Commission on Human Rights (CHR) sa mga isasagawang anti-drug operations kaugnay ng pagbuhay muli sa Oplan Tokhang.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Dionardo Carlos na ang hakbang ay upang patunayan ang ‘transparency’ sa anti-drug operations ng PNP-Drug Enforcement Group (DEG) na makakatuwang ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
“Sa second version you were (media) already invited. I know there are networks that have protected gear.The media are welcome to join, it has been open to other sectors, media, churches and other Non Government Organizations (NGOs),” ani Carlos.
Gayundin ang mga kinatawan ng CHR na pinamumunuan ni Chairman Chito Gascon upang personal ng mga itong masaksihan ang Oplan Tokhang ng PNP.
“They are welcome to join, hindi naman namin kayo isusubo sa kapahamakan,” ani Carlos.
Sa panig naman ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Director General Aaron Aquino, sinabi nito na hindi maigagarantiya ang kaligtasan ng mga media na sasama sa operasyon.
“First of all hindi namin mabigay yung buong protection sa inyo. You will do?this at your own risk kaya nga you are invited to join us. Now if you don’t want to join us in the actual operations okay lang sa amin,” ani Aquino.
“Doon lang po kayo sa likod namin. You can also wear our bullet proof vests. We have a lot of ballistic helmets you can wear that but again it’s at your own risk kapag pumasok kayo. Hindi namin alam kung lalaban yung mga kalaban o hindi,” anang opisyal.
Kaugnay naman ng paggamit ng mga body cameras sa operasyon, sinabi ni Carlos na pinondohan ito ng P39.9 milyon para mabili na ang nasabing mga gadgets at magamit ito sa giyera kontra droga.
- Latest