Kapag sumablay ang negosasyon - DOJ, take-over ng PAL last option
MANILA, Philippines - Pinakahuling option o maximum na maaring ma ging hakbang ng gobyerno upang masolusyunan ang problema ng Philippine Airlines (PAL) ay ang pag-take-over ng gobyerno rito sa sandaling hindi magkasundo ang mga pilotong nag-resign at ang management ng kumpanya.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, sa kasalukuyan ang hakbang ng gobyerno ay ang pagsisimula ng dialogue sa pagitan ng mga piloto at management ng PAL kung saan nakipag-usap na rin kahapon ang mga miyembro ng Airline Pilots Association of the Philippines (ALPAP) upang marinig ang hinaing ng mga ito at upang maiwasan ang posibleng exodus sa mga piloto.
Sabi ni de Lima, maari pa namang maresolba ang gusot sa pagitan ng management at mga empleyado dahil ang role pa lamang ng gobyerno ay umapela sa mga piloto na igalang ang kanilang kontrata at bumalik sa kanilang mga trabaho at hindi na sila bibigyan ng parusa o anumang sanctions ng gobyerno.
Ayon pa sa Kalihim, wala silang nakikitang labor dispute na nakasampa sa Department of Labor o anumang labor agency ng gobyerno kayat tinitingnan din ang posibleng paglabag sa civil code provision ng mga Piloto at maaring sampahan ng kaso ang mga ito sa Makati.
May hinala din ito na hindi lamang dahil sa pera kaya nagresign at biglang umalis ang mga piloto kayat nais nilang marinig ang hinaing ng mga ito.
Giit pa ni de Lima, maaari namang i-justify ng gobyerno ang pamamagitan nito sa mga piloto at management ng PAL dahil ito ang flag carrier ng bansa kayat ginagawa nila ang lahat ng maaring paraan upang maayos ang gusot at maiwasan ang posibleng huling hakbang ng pamahalaan na i-take over ang PAL lalo na ngayon na maging ang mga flight attendant ay nagbabanta din na mag-resign.
Samantala, ipinaubaya na ni Pangulong Aquino kay DOTC Sec. Jose de Jesus ang pagresolba sa problema ng PAL management at nagbitiw na mga piloto nito.
Ayon kay Presidential Spokesman Edwin Lacierda, isang dayalogo ang gagawin ng Palasyo sa pagitan ng management at mga piloto upang magkasundo na ang mga ito at hindi na maapektuhan ang operasyon ng PAL na nakakaapekto na rin sa ekonomiya, turismo at riding public.
Idinagdag pa ni Lacierda, ang unang hakbang para maayos ang gusot sa PAL ay ginawa na ng management matapos pumayag ang mga ito na pabalikin ang mga piloto na hindi na kakasuhan o parurusahan.
Kung ituloy ng PAL ang pagsasampa ng kaso laban sa mga nagbitiw na piloto dahil sa paglabag sa kanilang kontrata ay labas na dito ang Malacanang pero sisikapin ng Palasyo na maayos ito na hindi na aabot sa worst scenario.
Samantala, wala pa rin linaw kung itutuloy o hindi ng mga flight crews ang banta nilang pag-aaklas dahil sa hinihingi nilang palugit na palawigin ang kanilang retiring age.
- Latest
- Trending