Marcial, 4 pang boxers ready na sa Paris Olympics
MANILA, Philippines — Handang-handa na ang Philippine boxing team para sa misyong makasuntok ng gold medal sa darating na Olympic Games sa Paris, France.
Nasa maigting nang pag-eensayo sina Tokyo Olympics silver medalists Nesthy Petecio at Carlo Paalam, bronze medal winner Eumir Felix Marcial at first-timers Hergie Bacyadan at Aira Villegas.
“Our training camp in Germany is almost complete, and we’re already counting down the days until it’s time to compete,” wika ni Marcial sa kanyang social media post.
Ang limang boksingero ay nagsasanay sa Saarbrücken, Germany kung saan nila nakakaharap sa mga sparring sessions ang ilang foreign boxers na kalahok din sa Paris Olympics.
Ang Saarbrücken ay isang oras ang layo sa training camp ng 22 Pinoy athletes sa Metz, France.
Kabilang sa mga ka-sparring nina Petecio, Paalam, Marcial, Bacyadan at Villegas ay mga mula sa USA, India, Ireland, Germany at Australia.
Sinasabing ito na ang magiging huling Olympic appearance ng 32-ayos na si Petecio kaya gagawin na niya ang lahat para makamit ang pangarap na Olympic gold.
Wala pang Pinoy boxer na nanalo ng Olympic gold matapos ang mga silver nina Petecio, Paalam, Mansueto ‘Onyok’ Velasco, Jr. (1996 Atlanta) at Anthony Villanueva (1964 Tokyo).
Ang iba pang tatarget ng gold sa Paris Games ay sina pole vaulter EJ Obiena, Caloy Yulo, Aleah Finnegan, Emma Malabuyo at Levi Ruvivar ng gymnastics, weightlifters Elreen Ando, Vanessa Sarno at John Ceniza, swimmers Jarod Hatch at Kayla Sanchez, golfers Bianca Pagdanganan at Dottie Ardina, Lauren Hoffman at John Cabang-Tolentino ng athletics, fencer Sam Catantan, rower Joanie Delgaco at Kiyomi Watanabe ng judo.
- Latest