SGA tuloy ang pananalasa sa Jones Cup
MANILA, Philippines — Tumabo ng muntikang triple-double si Chris McCullough upang giyahan sa 112-90 panalo ang Strong Group-Pilipinas kontra sa Future Sports USA, 112-90, at manatiling walang galos sa 43rd William Jones Cup kahapon sa Taipei, Taiwan.
Ayaw paawat ni McCullough, dating PBA champion import ng San Miguel Beer, sa kanyang pagbabalik sa Philippine team nang humakot ng 24 puntos, 18 rebounds at 7 assists sahog pa ang 2 steals at 3 tapal.
Si McCullough din ang bumandera sa unang apat na panalo nila kontra sa UAE, 104-79, BSBL Guardians ng Australia, 91-69 at Malaysia, 89-54.
Tambak lahat ito maliban sa dikit na 82-74 panalo kontra sa Ukraine matapos silang maiwan pa sa 67-72 deficit sa huling tatlong minuto.
Hawak ngayon ang 5-0 kartada ay paborito ang Strong Group na masikwat ang kampeonato basta mapapanatili ang No. 1 spot papasok sa huling tatlong laban kontra sa Japan U22 team at host teams na Chinese Taipei White at Blue.
Walang playoffs ang Jones Cup kaya kung sino ang numero unong koponan pagkatapos ng single-round eliminations ang siyang tatanghaling kampeon agad.
Samantala, nakakuha naman ng suporta si McCullough kina Tajuan Agee at RJ Abarrientos, No. 3 rookie pick ng Ginebra sa 2024 PBA Draft, na kumamada ng 19 at 17 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Nag-ambag din ng 11 si Jordan Heading habang may tig-10 sina Gilas Pilipinas naturalized player Ange Kouame at Allen Liwag para sa Strong Group na binaliktad ang 56-60 deficit sa first half sakay ng 56-30 birada sa second half.
Samantala, hindi nagkasya ang 18 puntos ni Moss Hammer pati na ang 15, 14, 13 at 11 puntos din nina Ryan Elliot, Demetrius Thomas, Malik Deshaun at Scott Kavaughn, ayon sa pagkakasunod, para sa Future Sports USA na laglag sa 1-5 kartada.
- Latest