Macau durog sa SMB-Alab
MANILA, Philippines — Ibinuhos ng Alab Pilipinas ang ngitngit nito sa Macau Black Bears nang itarak ang 106-99 panalo upang makabalik sa porma sa Asean Basketball League (ABL) Season 9 noong Sabado ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Nagsanib-puwersa sina Puerto Rican imports Renaldo Balkman at PJ Ramos para buhatin ang Beermen sa 7-2 kartada.
Kumana si Balkman ng 37 puntos, siyam na rebounds, apat na steals at tatlong assists haban nagtala si Ramos ng double-double na 21 markers at 14 rebounds sa panalo ng Beermen.
Ang panalo ang nagsilbing resbak ng Alab Pilipinas matapos lumasap ng dikit na 72-73 pagyuko sa Formosa Dreamers.
Nagbalik din ang tikas ni two-time MVP Ray Parks Jr. na may sariling double-double na 13 markers at 10 assists gayundin si Lawrence Domingo na may 13 markers, limang rebounds at dalawang assists.
Nahulog ang Macau sa ikapitong puwesto hawak ang 6-5 baraha.
- Latest