PVL players ilalaban sa SEAG
MANILA, Philippines — Ipaparada ng Pilipinas sa 31st Southeast Asian Games women’s volleyball competitions ang matitikas na players mula sa Premier Volleyball League (PVL).
Nagpasya ang pamunuan ng volleyball association sa bansa na kunin ang mga professional volleyball players para sa biennial meet na gaganapin sa Hanoi, Vietnam.
Wala munang collegiate players ang isasama dahil sa problema sa schedule ng collegiate league sa SEA Games.
Nakatakdang magsimula ang UAAP sa Marso na sasagasa sa schedule ng SEA Games na idaraos sa Mayo.
Kaya naman mas minabuti na humugot ang volleyball association sa mga pro players ng PVL.
Nakatakdang magpulong ang pamunuan ng PVL kung itutuloy nito ang Open Conference sa Pebrero o ililipat na lamang ito matapos ang SEA Games sa Mayo.
May inisyal na listahan na sa mga posibleng mapasama sa national team ngunit daraan pa ito sa masusing pag-aaral ng board upang madetermina ang final lineup.
Ilan sa mga naglaro sa national pool noong nakaraang taon sina Dindin Santiago-Manabat at Filipino-American Kalei Mau kasama sina Majoy Baron, Dawn Macandili, Kim Dy, Aby Maraño, Ria Meneses, Mylene Paat, Dell Palomata, MJ Phillips, Jaja Santiago, Tin Tiamzon, Iris Tolenada, Deanna Wong, Kat Tolentino, Jema Galanza at Gel Cayuna.
- Latest