Negosyante ng office supplies kinasuhan ng BIR
MANILA, Philippines – Kinasuhan ng Bureau of Internal Revenue ngayong Huwebes ang isang negosyante ng office supplies dahil sa tax evasion at iba pang paglabag sa tax code.
Sinampahan ng kasong kriminal ng BIR si Kristian Soriano sa Department of Justice dahil sa pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis at hindi pagbibigay ng tamang impormasyon sa kanyang Income Tax Return (ITR) at Value Added Tax (VAT) Returns para sa taong 2010 at Perjury dahil sa paglabag sa Sections 254, 255 at Section 267 ng National Internal Revenue Code of 1997.
Nag-iisang may-ari ng Natriks Enterprise si Soriano, habang nakasuhan din naman ang kanyang certified public accountant na si Crisanto Laguardia, Jr. na nagsertipika ng kanyang financial statements noon 2010.
Kulang umano ang idineklara ni Soriano sa kanyang kinita noong 2010 ng P125.16 milyon o 13.381 porsiyento mula sa ibinayad sa kanya ng Philippine National Police ng P133.66 milyon. Tanging P935,382.77 lamang ang idineklara ni Soriano sa kanyang income tax return.
"Under Section 248 (B) of the Tax Code, an under-declaration of taxable income by more than 30 percent is considered substantial underdeclaration and constitutes a prima facie case of fraud tantamount to tax evasion," pahayag ng BIR.
Dagdag ng BIR na aabot sa P101.9 milyon ang total tax liability ni Soriano dahil sa deficiency taxes noong 2010. Samantala, nakasuhan si Laguardia dahil sa paglabas ng unqualified opinion sa kanyang pagsertipika sa financial statements ni Soriano noong 2010.
Ang kaso ni Soriano at Laguardia ang pang 160th sa ilalim ng Run After Tax Evaders na programa ng BIR.
- Latest
- Trending