Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

EDITORYAL - Dasal ng commuters ng MRT-3

ARAW-ARAW, may inuusal na dasal ang libong commuters ng Metro Rail Transit 3 (MRT 3). “Huwag sanang masira ang MRT ngayong araw na ito!” Pag-alis nila ng bahay, kasabay nang paghingi nila ng awa sa Diyos na patnubayan sila sa mga gagawin sa buong maghapon, ang nasa huli niyon ay ang hiling na huwag sanang magkaaberya ang MRT 3.

Pero tila kulang pa ang dasal ng libong commuters sapagkat halos araw-araw na ang aberya ng MRT 3. Noong Miyerkules, tatlong beses nagkaaberya ang MRT 3 at mayroon pang nasaktan dahil sa biglang pagpreno. Bigla umanong nag-brake ang train habang nasa Shaw Blvd. Station dahilan para masaktan  ang dibdib ng isang 68-anyos na lalaki at nagkagalos naman sa braso ang isang babae. Sa biglang pag-brake halos humagis ang mga nakatayong pasahero.

Makalipas ang isang oras, nagkaaberya uli ang MRT habang nasa Boni at Shaw Blvd. Stations at dakong hapon, isa pang aberya habang nasa Taft Avenue Station.

Wala nang patlang ang mga aberya ng MRT 3. Wala nang silbi ngayon kung magmura man ang commuters sa pamunuan ng MRT. At kung nakakamatay ang mura, tiyak marami nang opisyal ng MRT ang nadedbol. Sino ang hindi magagalit na pagkaraang pumila nang pagkahaba-haba para makasakay, ang kalalabasan pala ay maglalakad din sila dahil titirik ang tren. Kaya nagbabaon ng dasal ang commuters na sana magdere-deretso ang biyahe ng MRT at walang aberyang mangyari.

Ang Department of Transportation (DOTr) na mismo ang nagsabi na mula pa Enero 2016 hanggang Hunyo 2017 ay nagkaroon na ng 3,824 na aberya ang MRT-3. Ayon kay DOTr Undersecretary fo rails Cesar Chavez, hindi na sila masaya sa nangyayari sa MRT-3. At kung siya lamang umano ang masusunod, gusto niyang kanselahin ang kontrata ng kasalukuyang maintenance provider ng MRT-3. Ayon kay Chavez, bigo ang Busan Universal Rail Inc. na maibigay ang safety at reliability ng train system sa bansa. Ayon kay Chavez, sa 2019 pa umano matatapos ang kontrata ng Busan sa MRT-3.

Dalawang taon pa ang ipagtitiis ng libong commuters. Marami-rami pang dasal ang uusalin sa ipagbabago ng MRT 3. Sana naman, nagkaroon na ng leksiyon ang gobyerno sa palpak na serbisyo ng Busan. Hindi na sana maulit ito sa hinaharap.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Iadya Mo, Diyos at iligtas ang MRT commuters.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: