PSN Home Skinning Left , pagematch: 1, sectionmatch:
PSN Showbiz ( Leaderboard Top ), pagematch: , sectionmatch: 1

Kabaliktaran kina Ate Vi at Edu, Luis aminadong palamura at bastos!

Husay, liksi, at diskarte lamang ang kailangan para mabago ang buhay, dahil sa Minute to Win It, maaaring maging milyonaryo sa loob ng isang minuto. Yup, as in isang minuto lang. Pero dadaan kayo sa matinding tension ha. Na may halong saya at excitement. Hindi lahat kaba.

Kahapon ay nagkaroon kami ng chance na maranasan ang ganung feelings. ‘Pag trial lang, parang easy lang at naglalaro ka lang. Pero during the actual game, ayun na. Mapapatili ka talaga ng bonggang-bongga. Pero at least, hindi naman ako ang unang natanggal sa pitong naglaro.

Si Bot Glorioso ng Philippine Star ang nanalo sa presscon edition ng magbabalik na programa hosted by Luis Manzano.

Anyway, sa pagbabalik ng pinaka-exciting na game show sa bansa ngayong Lunes (Hulyo 18), nangako sila na mas pinasaya at mas nakakakabang challenges pa pero wala pang sinabi kung anong oras eere. Kung umaga o gabi.

Pero abangan dahil matitinding labanan ang masasaksihan araw-araw kung saan mag-uuwi ng malaking premyo ang matitirang matibay (Last Man Standing). 

Sa bawat Lunes at Miyerkules ng linggo, pitong players – iba’t ibang celebrities at perso­nalities mula sa iba’t ibang larangan at maging ordinaryong Kapamilya Players – ang magbabanggaan sa limang challenges na walang time limit at gamit ang mga ordinaryong bagay na makikita sa bahay.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:

Ang huling player na huling makakagawa o hindi makakagawa ng challenge ang siyang matatanggal sa pagtatapos ng bawat challenge, at magpapatuloy ito hanggang sa dalawang players na lang ang matira. 

Ang dalawang players na ito ang siyang didiretso sa Head-to-Head Challenge sa Martes at Huwebes, kung saan magkakatapat silang muli sa limang challenges. Kailangan namang makumpleto ang bawat challenge sa loob ng isang minuto na may katumbas na cash prize. 

Ang player na siyang makakakuha ng pinakamalaking cash prize ang maglalaro sa Ultimate Challenge, kung saan magkakaroon siya ng pambihirang pagkakataong maglaro para sa jackpot prize na P1 milyon. At hindi lang ito ang maaaring mapanalunan dahil bukod sa Ultimate Challenge, pagtatagpuin ang Tuesday at Thursday winners sa isa na namang mahigpit na Head-to-Head Challenge sa Biyernes. 

Mula sa magkalabang dalawang players na ito, muling kukunin ang player na maglalaro sa Ultimate Challenge na s­iyang tatawaging Ultimate Last Man Standing. Kaya naman sa isang linggo, maaaring u­mabot sa P2 milyon ang makuha ng isang ma­swerteng player kapag nanalo siya sa dalawang Ultimate Challenges. 

Buena manong maglalaro sa unang episodes ng Minute to Win It sina Richard Yap, Jericho Rosales, Maja Salvador, Coleen Garcia, Melai Cantiveros, Eric Nicolas, at Kapamilya player Marjan Nassiri sa Hulyo 18 at 19. 

Susundan ito ng banggaan nina Arci Muñoz, Daniel Matsunaga, J­oey Marquez, Denise Laurel, Baron Geisler, Negi, at Rachel Daquis sa Hulyo 20 at 21. 

Tiniyak ng host na si Luis Manzano na mas pinalaki pa ito kesa sa unang season nitong umere noong 2013 hanggang 2014.  Ayon kay Luis, ang Pinoy edition nito ang kauna-unahang programang umere araw-araw at umere ng higit sa isang taon sa kasaysayan ng naturang franchise sa buong mundo. 

Samantala, maaari namang makalaro ng mga ordinaryong manonood ang kanilang paboritong celebrities bilang isang Kapamilya Player. Bukas ito para sa mga babae o lalaking 20 hanggang 50 taong gulang at kayang-kayang maglaro ng physical challenges. Para sa audition dates, mag-abang lang ng updates mula sa TV at official social media accounts ng programa. Sa pagpasok ng Minute to Win It, wala nang magiging pahinga si Luis sa buong Linggo.

Apat-apat na ang kanyang programa – The Voice Kids, ASAP, Family Feud and ito ngang Minute to Win It.

So may nararamdaman ba siyang kaba sa tuwing sasalang siya o nati-threaten pa ba siya sa pagiging ‘beterano’?

“Kanya-kanyang putahe lang ang pagho-host. You have Toni (Gonzaga), Bianca (Gonzales), Mariel (Rodriguez), Billy (Crawford), kanya-kanyang offering lang ‘yan eh. That’s the reason why I don’t do beauty pageant hosting. Can you imagine ang dami nang nai-offer sa aking beauty contest. That’s not my strength. Maba-bash ako the very next day.”

Eh pumapatol siya at aminado siyang bastos at palamura siya.

“Hindi ko inilalagay ang sarili ko sa pedestal. Bastos ako, palamura ako, lahat-lahat.

“Everything my parents are I’m the exact opposite. Never akong nagmalinis. Gantihan tayo, make sure na mas malakas ka sa akin.

“Hindi ako nagmamalinis. Sabihin nila ang bait-bait mo. Hindi po, masama ugali ko, I swear I mean that from my heart. Hindi po ako nagbabait-baitan, nagpapaka-plastic. Sorry for this. Gago ako, masama po ako, palamura ako, lahat ng ‘yan sa akin po ‘yan nanggaling,” pahayag niya na kabaliktaran naman sa pagkakakilala namin sa kanya.

Mabait kaya si Luis at sa true lang kilala niya lahat ng press na bibihira na sa mga artista lalo pa nga’t tulad ng nasa status niya.

Luis umamin sa ‘relasyon’ nila ni Jessy

Samantala, inamin na finally ni Luis na nagdi-date nga sila ni Jessy Mendiola. Ito ay matapos masang­kot ang pangalan ng aktres sa hiwalayan ni Ian Veneracion sa kanyang misis.

“Lumalabas kami. Kasi kapag dinenay ko ‘yon ay magagalit kayo sa aking lahat. Mukha naman akong tanga kapag dinenay ko ‘yon.

“Hindi kami puwedeng mag-deny kasi mayroon kaming pictures online. Parang ang weird naman noon kung idi-deny ko ‘yon,” sabi ng actor pero ayaw na niyang magbigay ng ibang detalye.

“Sabi ko nga, anything I answer hahanapan ng mali. Sumagot na nga ako dati nahanapan ng mali, eh ‘di tatahimik na lang ako. Uulitin ko lang, kung alam ko ang tao ay sasaksakin ako bakit ko bibigyan ng kutsilyo?” pahayag pa ng magaling na TV host.

PSN ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch:
  • Follow Us:
PSN Home Skinning Right, pagematch: 1, sectionmatch: