Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Pangarap ni Isabel noon, ngayon lang natupad!

Hindi napigilang umiyak ng ina ng yumaong aktres na si Isabel Granada, ganoon din ng kanyang asawang si Arnel Cowley nang buksan ang star ni Isabel sa Walk of Fame Philippines.

“Isa iyan sa mga pangarap ni Isabel. Sayang lang hindi na niya nakita iyan,” sabi ni Mommy Guapa.

Hindi lang naman ang ina at asawa ni Isabel ang nagkaroon ng ganoong feelings. Matapos ang okasyon ay may mga naglagay agad ng bulaklak sa mismong star niya sa walkway. Noong medyo gabi na ay may naglagay pa ng “tea lights,” iyong maliit na kandila, kaya iyon ang pinagtitinginan ng mga nagdaraang tao sa Walk of Fame.

Natatandaan namin, hindi lang minsan kung hindi ilang pagkakataon na si Isabel ay naging performer, at co-host pa ng programa ng paglalagay ng stars bilang parangal sa Walk of Fame simula nang ‘yun ay buksan noong 2005 ni Master Showman, German “Kuya Germs” Moreno.

Natatandaan namin, minsang nagbiro na rin si Isabel kay Kuya Germs noon nang “ako, kailan”. Sinagot naman ng Master Showman na “sigurado darating iyong araw na iyon. Magiging masaya tayo.” Pareho na nilang hindi nasaksihan ang pangyayaring iyon.

Ang Walk of Fame ay matagal na naging ambisyon ni Kuya Germs, na sinasabi nga niyang nagsimula nang una siyang makarating sa Hollywood, at nakita niya ang original na Walk of Fame roon. Pinangarap niya iyon hindi para sa sarili, kung hindi sa mga kapwa niya artista na gusto niyang bigyan ng pagpapahalaga.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Alam ba ninyo kaya todo ang kampanya noon ni Kuya Germs para ang Quezon City ay matawag na City of Stars dahil ang unang plano ay ilagay ang Walk of Fame sa Quezon Avenue, mula sa Welcome Rotonda hanggang sa Quezon Memorial Circle sana. Kaya nga noong ideklara ang lunsod na City of Stars, nagkaroon ng parada ng mga artista simula Welcome hanggang Quezon Memorial Cicrle.

Pero hindi nga natupad iyon, at saka inisip din nila, daanan iyan ng maraming mga tao, papaano ang maintenance? Hanggang may isang grupo na nagbalak niyan. Kinausap nila si Kuya Germs. Hindi naituloy ng grupo ang plano, kaya sinalo ni Kuya Germs ang Walk of Fame at lahat ng gastos ay personal niyang pera. Kasama na namin si Kuya Germs noong mga panahong iyon at nasaksihan namin ang personal niyang pagsisikap.

Nakakahiya mang aminin, isa kami sa nagtatanong noon kay Kuya Germs kung bakit kaila­ngang gastusan niya ng sarili niyang pera ang Walk of Fame na iyan. Pero ang sinasagot niya sa amin ay “pabayaan mo na ako, dahil pangarap ko iyan para sa mga kapwa ko artista”.

Ngayon, basta nadadaanan ko ang Walk of Fame, naaalala namin ang mga ginagawa ni Kuya Germs noong araw.

Pagkatapos ng programa niya sa radio noon, tutuloy na siya sa Eastwood. Tatawagan niya kami na didiretso na siya roon at sasabihan kaming magpunta na rin doon. Bubuuin niyang mag-isa ang show dahil hindi pa alam kung sino sa mga nakumbida niyang artista ang darating, at kung sino sa mga inductees ang naroroon mismo. Magpapatulong siyang mag-follow up.

Nakita namin ang sama ng loob niya sa mga hindi man lang sumilip, pero tingnan ninyo, nga­yon sa pamumuno naman ng anak niyang si Fedrico, nananatiling isang palagian nang parangal sa lahat ng mga artistang mahal na mahal ni Kuya Germs ang Walk of Fame Philippines.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: