Pang-Masa ( Leaderboard Top ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Habang may reklamo si Shawie, Vilma may ginawang house bill para bumilis ang Internet

Vilma

Nagsisimula pa lang ang kuwentuhan doon sa opisina ni Congreswoman Vilma Santos-Recto pero nabigla na kami sa listahan ng iniharap niyang panukalang batas sa loob lamang ng apat na buwan. Aba eh kung sa iba iyan, baka trabaho na iyan ng kung ilang taon. Ang haba na ng listahan niya ng mga panukalang batas na inihain niya na naghihintay na ma-schedule sa plenaryo.

Pero siguro nga ang pinaka­matunog na sa lahat ng kanyang panukalang batas ay iyong nag-aalis ng tax sa overtime pay. Ang kuwento niya, may nakausap daw siyang isang security guard na nagtrabaho ng ilang oras at ang inaasahang matatanggap na dagdag bayad sa kanyang sahod ay aabot sa limang libo. Pero matapos alisin ang tax, sabi ni Ate Vi: “Ang nakuha niya ay 2,500 lang. Kawawa naman, Kaya pinag-aralan ko iyan at naisip na dapat wala nang tax ang overtime pay”.

Mayroon din siyang isang panukalang batas na naglalayong magkaroon ng LGBT desk sa mga presinto ng pulisya. Pero karamihan sa kanyang mga panukala, may kinalaman sa health care kagaya ng isang national health care program, iyong automatic na Philhealth coverage sa isang babaeng manganganak na, iyong “one doctor, one town program” na nag­lalayong magbigay din ng scholarship sa mga mahihirap na gustong ma­ging doctor. Iyong pagtatatag ng isang Philippine Medical College at free public college. Makikita mo na ang mga panukala ni Ate Vi ay puro serbisyo kasi iyon ang nakasanayan niya. Labing walong taon nga naman siyang local executive.

Natawa nga kami nang malaman namin na may ipinasa pa siya, iyong House Bill 1951 na tinawag niyang Bilis Konek Act. Isang panukalang batas na nagtatakda ng minimum standards para sa internet speed. Natawa kami, isipin ninyo, habang iyong iba ay panay ang tungayaw sa mabagal na internet speed, may ginawa na palang panukalang batas si Ate Vi na siyang magiging solusyon sa problemang iyon.

Iyan ang sinasabi namin eh, puro bunganga wala namang ginagawa. Eh iyong nananahimik lang doon sa office niya, mayroon na palang proposed solution.

Pero isang bagay nga lang ang malungkot diyan, mukhang hindi muna makagagawa ng pelikula si Ate Vi.

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1

Inamin niyang nami-miss na niya ang ac­ting. Sabi nga niya ay naiinggit din siya sa mga artistang nakakagawa ng TV series. Kung may pana­hon nga lang daw siya, gagawa rin siya ng serye. Pero ang problema, kahit na mas maluwag ang kanyang schedule sa Kamara kaysa sa Kapitolyo noon, kailangan pa niyang pag-aralang mabuti ang kanyang ginagawa dahil bago sa kanya ang paggawa ng batas.           

“Maski nga kayo bihira na tayong magkakuwentuhan, kasi ang dami kong iniisip ngayon. Siguro kung makakasanayan ko na ang trabaho rito, mas makapagbibigay na ako ng schedule,” ani Ate Vi.

Kung makikita ninyo ngayon si Ate Vi, mukha namang mas relaxed siya kaysa noong nasa kapitolyo pa siya ng Batangas. “Eh kasi naman doon umaga pa lang talagang kailangan ka nang humarap sa problema ng mga tao. Basta may nangyaring kalamidad sugod ka agad. Kailangang ikutin mo ang bawa’t barangay minsan sa isang buwan, eh ilang bayan ang Batangas, at ilang barangay bawat bayan? Pero iyon nakasanayan ko na rin. Ngayon naninibago pa ako,” pag-amin niya.

Naikuwento rin niya na may inialok sa kanyang pelikula na talagang gusto sana niyang gawin. Maganda kasi ang material at period movie. Napakahusay din ng director na gagawa. “Iyon ang pelikulang hindi matatanggihan ng kahit na sino. Masakit sa loob ko na mawala ang project pero kailangan ko iyong tanggihan dahil sa trabaho ko dito sa Kongreso. Artista pa rin naman ako eh, kaya lang may iba akong trabahong napasukan na hindi ko naman mapapabayaan. Darating din ang araw na magagawa ko lahat iyan, hindi pa lang ngayon”.

 

Pang-Masa ( Article MRec ), pagematch: 1, sectionmatch: 1
  • Follow Us: