Ang Magkapatid (114)
“MAYSAKIT si Enyora, Ada. Bumalik ang sakit at dinala ko sa ospital kagabi. Mahinang-mahina na siya. Parang hindi na magtatagal. Kaninang tanghali, hinahanap ka. Pumunta ka naman dito Ada. Tulungan mo ako!’’
“Manang Caridad, nakaburol po ang papa ko ngayon. Narito po ako ngayon sa punerarya.’’
“Ganun ba. Naku paano kaya ang gagawin ko. Hindi ko alam. Litung-lito ako.’’
“Sige po, Manang Caridad, huwag kang mag-alala at pupunta ako. Hintayin mo ako.’’
“Salamat Ada. Gusto kang makita ni Enyora.’’
“Sige po, Manang.’’
Pagkatapos mag-usap ay agad nagsabi si Ada kay Ipe na mayroon lang pupuntahan.
“Kuya, pupuntahan ko lang ang dati kong pasyente. Masama na raw ang lagay. Gusto akong makausap.’’
“Ada nakaburol si Papa. Uunahin mo pa ba ‘yun?’’
“Babalik din agad ako Kuya. Nakikiusap ang matanda.’’
“Sige.’’
Lumapit si Karla at tinanong kung ano ang pinag-uusapan ng magkapatid.
“Pupuntahan ko lang sa ospital ang dati kong pasyente Ninang. Mukhang hindi na rin magtatagal at yayao na.’’
“Mag-ingat ka, Ada. Ang alam ko, masamang magpupunta sa kung saan-saan lalo pa’t may nakaburol na kamag-anak.’’
“Mag-iingat po ako Ninang.’’
“Gusto mo samahan kita.’’
“Huwag na Ninang. Malapit lang dito ang ospital. Isang sakay lang sa dyip.’’
“Sige.’’
Mabilis na nakarating si Ada sa ospital na kinaroroonan ni Lola Socorro. Nasa ICU ito. Nang makita niya si Lola Soc ay mukhang masama na nga ang kalagayan ng matanda. Parang hindi na makakita.
“Biglang-bigla ang paghina niya, Ada,” sabi ni Manang Caridad. “Kahapon, masigla pa siya.’’
Pinisil ang palad ng matanda.
“Lola Soc, narito na ako. Si Ada po ako. Lola Soc, narito na ako.’’
Kumilos ang matanda pero para wala nang naaaninaw. Nakapagsasalita pa pero marahan at mahina na.
“A-Ada, h-hanapin m-mo anak k-ko. I-ihingi m-mo ako ng t-tawad s-sa k-kanya. M-marami akong k-kasalanan s-sa k-kanya.’’
“Opo Lola.’’
(Itutuloy)
- Latest