3 kabataan natulog sa riles pisak sa tren
MANILA, Philippines – Tatlong kabataan ang napisak sa tren habang tatlo pa ang nasugatan makaraang masagasaan habang natutulog sa gitna ng riles ng Philippine National Railways (PNR) sa kahabaan ng Antipolo St., Sta Cruz, Maynila kahapon ng umaga.
Kinilala ang isa sa nasawi na si Andrea Regino, 13, Grade 7 student sa Claro M. Recto High School at residente ng # 2995 Ramon Magsaysay Boulevard, Sampaloc, Maynila habang hindi pa natutukoy ang pagkakilanlan ng isa pang batang babae na nasa edad ng 12 hanggang 13 anyos.
Hindi pa nagtatagal na nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) ay idineklarang patay ang isang Sandy Guillen, 13 anyos, Grade 5 sa Corazon Aquino Elementary School at residente ng Jose Basa St., Tondo dahil sa internal hemorrhage, na nasugatan sa ulo.
Kasalukuyan nang nilalapatan ng lunas sa Jose Reyes Memorial Medical Center ang mga nasugatang sina Anthony de Mesa, 12, Grade 4 sa Mariano Ponce Elementary School ng Antipolo St;, Sta Cruz, Maynila na naputulan ng dalawang hita; kaliwang kamay naman ang naputol at may sugat pa sa ulo ang biktimang si Joshua Nepomuceno, 12, out of school youth at residente ng no. 565 Geronimo st. , Sampaloc, Maynila.
Nasugatan naman sa hita ang dalawang biktimang si Jennyrace Eugenio, 13, out of school youth, ng no. 1846 Prudencia St., Dagupan, Tondo.
Sa ulat ni SPO1 Richard Borbon ng Manila Disrict Traffic Enforcement Unit (MDTEU), alas 5:15 ng umaga nang maganap ang insidente sa southbound track ng riles sa Antipolo St., Sta. Cruz matapos na mapagtripan ng mga biktima na matulog dito. Kasalukuyan namang pinaghahanap ang driver ng tren na may body number MSC505 na si Joel Bolo at ang mekaniko na si Bejerio Suarez na ipinatawag ng pamunuan ng PNR. Isinasailalim pa sa masusing imbestigasyon ang kasong ito.
- Latest