Sa Piling ng Kalapati (26)
AYAW isipin ni Ruth na ang mga nakitang calling cards ng negosyante sa ilalim ng kama ni Mommy Donna ay mga “siniserbisyuhan’’ nito. Mayroon siyang nabasang artikulo na may mga babaing “nagseserbisyo” sa mga mayayamang Chinese. Sa halip na pumik-ap ang mga Chinese sa kung saan-saan, nagpapaserbisyo na lang. Pupuntahan na lang sa condo nito o sa hotel o kahit saang bahay na sasabihin ng Chinese. Depende sa oras na magustuhan ng Chinese.
Lalong naging malikot ang imahinasyon ni Ruth. Kaya siguro may gabing ura-urada kung maligo at magbihis si Mommy Donna ay dahil may naghihintay na customer. May pagkakataon naman na madaling araw kung umalis at kung minsan ay sa umaga. Depende nga siguro sa time ng customer kaya ganun ang oras ng pag-alis ni Mommy Donna.
Pero sa huli, binibigyang katwiran ni Ruth ang lahat. Kung totoo man ang kanyang naiisip kay Mommy Donna, wala siyang pakialam. Kung totoo man, hindi niya kayang magalit kay Mommy Donna. Kahit na ano pa ang ginagawa ng kanyang ina-inahan, mahal pa rin niya ito. Walang makapagpapabago sa pagtingin niya rito.
Kaya nga pagbubutihin niya ang pag-aaral para makapagtapos ng may karangalan. Alam niya, gustung-gusto ni Mommy Donna na maging cum-laude siya o higit pa. Kahit hindi nito sinasabi, halata niyang pangarap ni Mommy Donna na magsabit ng medal sa kanya. Para bang ito ang pinakahihintay ni Mommy Donna.
Minsan, madaling araw na ay nagrerebyu pa siya. Talagang sagad na sagad siya sa pag-aaral.
Nagising si Mommy Donna at nagulat nang makitang gising pa siya.
“Matulog ka muna. Kanina ka pa nagrerebyu ah.’’
“Finals na Mommy. Kailangang mataas ang makuha ko.’’
“Baka naman magkasakit ka. Doon ka muna sa kuwarto matulog para ma-relaks ka.’’
“Opo. Tatapusin ko lang ito.’’
“Ako na muna ang magluluto ng agahan natin para hindi ka maabala.’’
(Itutuloy)
- Latest