Nunal (137)
“PAKIRAMDAM ko, may nanonood sa atin. Malakas ang kutob ko, Robert,’’ sabi ni Mahinhin. ‘‘Palagay ko na sa makapal na damuhang iyon.’’
‘‘Wala naman akong mapansin na gumagalaw doon. Baka naman mayroon lang bumagsak na sanga kaya may narinig tayong kaluskos.’’
“Malakas ang kutob ko na tao.’’
‘‘May mga dumadaan ba rito kapag ganitong oras?’’
“Wala naman. Kasi’y malayo ito sa talagang dinadaanan ng mga taong papunta sa bukid.’’
“Yun naman pala e di wala tayong dapat ipangamba.’’
“Kasi’y baka kung ano ang maisipan. Alam mo na ang panahon ngayon. Marami nang masama ang loob dahil sa droga.’’
“Huwag kang mag-alala at narito naman ako. Hindi naman siguro tayo mapapahamak.’’
“Sana nga sanga lang na bumagsak ang narinig ko.’’
“Oo, ipanatag mo ang loob mo.’’
Niyakap ni Robert si Mahinhin. Muli naghalikan sila. Itinuloy ang ginagawa kanina.
Hindi sila nakadarama ng ginaw kahit nakababad sila sa tubig. Mas lalo pang uminit ang kanilang katawan dahil sa nagbabagang damdamin.
Tama naman ang kutob ni Mahinhin na may mga matang nakatingin sa kanila. Walang iba kundi si Anto. Nasa makapal na damuhan si Anto at pinanonood nga ang dalawa. Hindi talaga intensiyon ni Anto na panoorin ang dalawa. Nagkataon lang na hinahanap niya si Robert dahil may itatanong siya rito.
Inggit na inggit si Anto kay Robert dahil napaibig nito si Mahinhin. Siya, walang suwerte sa pag-ibig. Tatanda na talaga siyang binata.
Napabuntunghininga siya.
(Itutuloy)
- Latest