Nunal (127)
ILANG araw pa ang lumipas. Isinama ni Robert sina Mahinhin at Bighani sa Maynila para malimutan ang mga masasamang nangyari. Iyon ang kailangan ng magkapatid. Si Anto ang nagprisintang mangangalaga sa bahay nina Mahinhin habang wala ang mga ito.
“Kanino kami tutuloy sa Maynila?” nakangiti si Mahinhin habang tinatanong si Robert.
“Siyempre sa bahay ko. Ako ang nagyaya sa inyo di ba?’’
“Hindi ba nakakahiya sa inyo Kuya Robert?’’ tanong ni Bighani.
“Hindi. Tatlo lang kami sa bahay -- si Nesto na driver ko, asawa niya at isang anak nila. Maluwag na maluwag sa bahay. Kasyang-kasya tayo.’’
“Matagal na rin akong hindi nakakaluwas sa Maynila,” sabi ni Mahinhin.
“Marami tayong papasyalan. Marami akong alam na kainan.”
“Baka magsawa ka sa pagpapakain sa amin, ha-ha-ha!’’
“Hindi.’’
“Siyanga pala Ro-bert, may nabanggit ka noon tungkol sa painting ko – yung self portrait. Anong nangyari run?’’
“Sinira ng mga tauhan ni Tsekwa. Hinanap kasi nila sa loob niyon ang CD.’’
Napakagat-labi si Mahinhin.
“Pagdating natin sa Maynila, makikita mo. Hindi ko alam kung maibabalik pa sa dati iyon.’’
Napahinga nang malalim si Mahinhin.
NANG dumating sila sa Maynila, ang nasirang painting agad ang ipinakita ni Robert kay Mahinhin. Hinayang na hinayang si Mahinhin.
“Kaya mo bang i-restore yan?’’
“Ita-try ko Robert.’’
(Itutuloy)
- Latest