Nunal (64)
IPINILIT pa rin ni Robert ang nararamdamang damdamin kay Mahinhin sa pagkakataong iyon. Sure na siya sa sarili na si Mahinhin ang babaing gustong makasama sa buhay. Iyon ay sa kabila na gusto ni Mahinhin na maging magkaibigan lang sila. Hindi niya matanggap na hanggang ganun na lang sila ni Mahinhin. Ngayon pa ba siya susuko?
‘‘Mahal kita Mahinhin, maniwala ka. Mula pa noong makita ka sa bar, mayroon na akong naramdaman sa’yo.’’
“Nabibigla ka lang, Robert. Hindi ako ang babaing bagay sa iyo. May pinag-aralan ka, maganda ang pamilya. Ako, isang dancer lang. Maging magkaibigan na lang tayo, please.’’
“Higit pa sa pagiging magkaibigan ang gusto ko, Mahinhin. Sana, maramdaman mo ang sinasabi kong pagmamahal.’’
‘‘Naguguluhan ako Robert. Kasi’y mula nang magsayaw ako sa Pugad-Uwak pakiramdam ko ba marumi ako. Kahit na sabihing hindi ako nagpapa-takeout, para bang masama akong babae. At ayaw kong pati ikaw ay madamay dahil doon. Hindi ako bagay sa’yo, Robert. Magturingan na lamang tayong magkaibigan. Puwede naman yun di ba?’’
“Mahirap para sa akin. Kakaiba nga ang nararamdaman ko. Hindi para sa kaibigan lang itong damdaming ito.’’
Napahinga si Mahinhin. Malalim. Saka tumingin sa labas ng bahay. Iniwasang tumingin kay Robert.
Pakiramdam ni Robert ay may gumugulo pa sa isipan ni Mahinhin. Ayaw lamang ipagtapat sa kanya.
“May problema ka pa ba, Mahinhin?’’
Nagulat si Mahinhin. Hindi makasagot.
(Itutuloy)
- Latest