Nunal (63)
“ANO Mahinhin? Bakit ayaw mong sumagot? Ayaw mo bang ipagbili ang painting na ‘yan?’’
“Hindi ko pinagbibili yan, Robert.’’
“Ganun ba? Sayang! Gustung-gusto ko pa naman. Ididespley ko sana sa aking kuwarto sa Maynila. Maganda kung sa kuwarto yan nakadispleuy para ako lang ang nakakakita. Sa mismong tapat ng bed ko ilalagay para kapag nakahiga ako e nakikita ko lagi. Pero kung hindi mo pala ipagbibili e okey lang.’’
Biglang nagtawa si Mahinhin.
“Hindi ko ipinagbibili ang painting, pero ibibigay ko na lang sa’yo.’’
“Talaga? Baka nagbibiro ka?’’
“Hindi. Ibibigay ko nga sa’yo ‘yan. Pero may hihilingin uli ako sa’yo, Robert.’’
“Ano ‘yun? Sabihin mo.’’
“Kapag may nangyari sa akin, ikaw na ang bahala kay Bighani.’’
“Bakit? Anong mangyayari sa’yo?’’
“In case lang na may mangyari sa akin, Robert. Maipapangako mo ba?’’
“Oo. Sige. Ako ang bahala, Mahinhin. May sarili akong bahay at mayroong magandang trabaho. Kung kukupkupin ko si Bighani, maluwag pa rin ako. May naipon na rin naman ako.’’
“Salamat, Robert. Mabait ka talagang kaibigan.’’
“Basta ikaw, Mahinhin. Pero totoong sa akin na ang painting mo. Baka nabibigla ka lang.’’
“Hindi. Sa iyo na ang painting ko.’’
(Itutuloy)
- Latest