Nunal (51)
TUMIGIL si Robert at nakiramdam sa paligid. Pinasadahan ng tingin ang malalagong damo. Baka nagtatago roon si Mahinhin. Bigla na lamang nawala. Pero wala siyang makita. Saan kaya nagpunta.
Ipinasya niyang magpatuloy sa paglalakad. Baka naman nasa ilog na si Mahinhin.
Nang akmang lalakad na, nakarinig siya ng kaluskos sa gawing likuran niya.
Lumingon siya.
Wala naman siyang makita.
Pero may kutob siyang narito lamang si Mahinhin.
Tinawag niya.
“Mahinhin!’’
Walang pagkilos sa likod ng mga damo at puno.
“Mahinhin!’’
Hanggang sa may kumilos. Lumabas sa malago at pandak na puno ng madre cacao si Mahinhin.
“Narito ako Robert!’’
Alanganin si Robert kung ngingiti o hindi. Sa unang pagkakataon ay makakausap na niya ng harap-harapan si Mahinhin.
“Sorry sa pagtatago ko. Alam ko mayroon kang mahalagang sasabihin.’’
“Sorry din at sinundan kita kahit na alam kong bawal. Tama ka, gusto nga kitang makausap.’’
“Mas may mahalaga akong sasabihin sa’yo Robert. Hindi ko nga lang alam kung paano kita makakausao nang sarilinan. Mabuti nga sinundan mo ako.’’
“Saan tayo puwedeng mag-usap, Mahinhin?’’
“Dun na lang sa tabing ilog. Wala namang tao roon. Isa pa, gusto ko tayong dalawa lang ang makakaalam ng pag-uusapan natin.’’
“Sige.’’
Nagtungo sila sa tabing ilog.
“Dito kami madalas maligo ni Bighani. Malinis ang tubig dito. Hindi pa polluted.’’
“Oo nga.’’
Naupo si Mahinhin sa damuhan.
Gumaya si Robert.
“Ako nga si Bianca, Robert --- ang star dancer ng Pugad-Uwak.’’
“Hindi kita malilimutan, Mahinhin. Madalas kitang mapanood. Alam ko rin na may nunal ka sa likod ng hita.’’
“Nakita mo ‘yun?’’
“Oo.’’
(Itutuloy)
- Latest