Nunal (14)
ISANG oras na naghintay si Robert bago niya nakausap ang dancer na si Jinkee. Dinala ito sa kanya ng waiter. Hindi kagandahan sa malapitan si Jinkee. Maganda lang pala kapag nasa stage at naka-bra at panty. Kapag nakadamit ay hindi na kaakit-akit.
“Good evening Jinkee, I’m Robert.’’
“Good evening.’’
“Meron lang ako itatanong sa’yo. Baka naman may alam ka kung nasaan si Bianca.’’
“Naku wala po.’’
“Di ba kaibigan ka niya?’’
“Kailan lang po kami nagkakilala dahil ilang buwan pa lang siya rito. Nag-uusap po kami rito pero hindi madalas.’’
“Sa palagay mo bakit umalis siya rito sa club?’’
“Wala nga po akong alam.’’
“Saan ba siya nakatira?’’
“Sabi po niya sa Miguelin St. Hindi ko po alam kung saan ang Miguelin.’’
“Pasensiya ka na ha, gusto ko lang kasing makilala si Bianca. E bigla ngang hindi na pumasok at ikaw lang ang sabi ng waiter na kaibigan dito ni Bianca.’’
“Hindi ko po masasabing kaibigan dahil mahirap po siyang kausapin. Parang moody kasi siya.’’
“Ganun ba?’’
“Ako nga lang ang nagtiyaga pero mahirap pala talaga. Yan lang po ang alam ko.’’
“Huwag mo naman akong pupuin at binata pa ako. Salamat sa info, Jinkee.’’
“Okey lang Robert. Sige at magpe-perform pa ako.’’
“Thanks, Jinkee.’’
Nang lumapit sa kanya ang waiter na tumawag kay Jinkee, inabutan niya ng pera.
“Salamat sa pagtulong mo. Pupunta pa rin ako rito kahit wala si Bianca Nunal.’’
Nagtawa ang waiter sa sinabi ni Robert.
“Nakita mo rin pala Sir ang nunal ni Bianca.’’
“Oo. Yun nga ang dahilan kaya gusto ko siyang makita.’’
“Bakit Sir?’’
Ngumiti na lang si Robert.
(Itutuloy)
- Latest