Damo sa Pilapil (151)
KUNTENTO na sina Zac at Dulce sa buhay. Wala man silang anak, maituturing na meron din dahil napamahal na sa kanila sina Mateo at Noime. Nabigyan nila nang magandang buhay ang dalawa. Si Mateo na ang inaasahan ni Zac na papalit sa kanya sa kompanyang pinamumunuan. Malaki ang tiwala nila kay Mateo. Sabi nga ni Dulce, si Mateo ay walang ipinagkaiba kay Zac. Nakita niya kay Mateo ang kaanyuan at katalinuhan ni Zac. At naniniwala si Dulce, yumao man sila ni Zac, alam niyang mayroong mga kamay na mangangalaga sa kanilang kompanya.
“Kapag nagretiro ako sa ating kompanya, puwede nang ipalit si Mateo. Napakahusay niya,” sabi ni Zac.
“Mga ilang taon pa, Love?’’
“Mga limang taon pa. Sandali na lang yun.’’
“Tamang-tama. Magkakasama na tayo lagi. Alam mo, malungkot din kapag nasa opisina ka at nag-iisa ako rito sa bahay. Mabuti sana kung buhay pa sina Itay at Inay at mayroon akong nakakausap, kaso wala na sila. Si Ate naman ay busy sa kanyang pamilya.’’
“Hayaan mo at lagi na tayong magkasama. Doon na tayo sa ating kubo matutulog. Itong bahay dito sa bayan ay dadalawin na lang natin.’’
“Oo nga gusto ko ang sinabi mo Love. Masa masarap mamuhay dito sa probinsiya.’’
“Bukas, bisitahin natin ang ating kubo at ang mga tanim mong gulay.’’
“Sige, Love. Dalawang linggo na rin aking nakakapunta sa kubo.’’
Kinabukasan, nasa bukid na sila. Tahimik na tahimik ang kapaligiran. Pawang huni ng ibon ang maririnig.
Masayang tinanaw nila ang lawak ng kabukiran. Hindi sila nagsasawa sa pagtanaw sa hinog na palay.
“Kuntento na ako, Love. Wala na akong mahihiling pa.’’
“Ako man.’’
(Tatapusin na bukas)
- Latest