Damo sa Pilapil (131)
“KUMUSTA po kayo, Itay, Inay?’’ Tanong ni Dulce.
“Mabuti naman kami Dulce. Hindi namin inaasahan ang pagdating ninyo. Nasorpresa kami,” sabi ng matandang lalaki.
“Oo nga. Bakit hindi man lang kayo tumawag o nag-text kaya.’’
“Biglaan nga po ang aming pagpunta rito ni Zac. Sumasagap po kami ng sariwang hangin. Nagdaan nga po kami at tumigil sa palayan. Hinog na po pala ang mga palay.’’
“Oo. Anihan na ngayon, Dulce. Tamang-tama ang dating n’yo dahil makakakain kayo ng bagong ani. Hanggang kailan ba kayo rito?’’ tanong ng matandang lalaki.
“Mga isang linggo po kami rito Itay.’’
“Mabuti at matagal kayo. Ipaghahanda ka namin ng mga pagkain na lutong probinsiya.’’
“Sige po, gusto kong makatikim ng luto rito. Nasasabik po ako.’’
“Hayaan mo Dulce at ako ang bahala,” sabi ng matandang babae. “Pati mga masasarap na kakanin dito ay ipaghahanda kita.’’
“Baka po mapagod ka Inay.’’
“Hindi. Tutulungan naman ako ng Ate ni Zac.’’
Nilapitan ni Dulce ang ate ni Zac at inakbayan. Nagkuwentuhan sila. Nabanggit ni Dulce na gusto uli nilang bumalik ni Zac sa Encarnado Resort. Dating nagtrabaho sa resort ang ate ni Zac. Napakaganda ng lugar kaya gusto nilang balikan.
Wala raw problema sabi ng Ate ni Zac. Ia-arrange niya ang tungkol doon.
Ang isa sa nakagulat sa mga magulang ni Zac ay ang pangako ni Dulce.
“Inay, Itay, gusto ko kayong isama sa Maynila. Ipapasyal namin kayo roon. Gusto ko rin na mapa-check-up kayo.’’
Halos mapaiyak ang matandang babae. Napakabait ni Dulce.
(Itutuloy)
- Latest