^

True Confessions

Damo sa Pilapil (71)

Ronnie M. Halos - Pilipino Star Ngayon

PAANO kaya ang mang­yayari kung ginagawa  lang palang “laruan” ni Bogs si Mam Dulce? Iyon ang iniisip ni Zac. Hindi kaya isang araw ay makita na lamang niya na malungkot si Mam Dulce dahil natuklasan na nito ang tunay na katauhan ni Bogs. Na mayroon pala itong masamang intensiyon kaya nakipagrelasyon kay Mam.

Inimadyin ni Zac na magsusumbong sa kanya si Mam ukol sa nangyari sa kanila ni Bogs. Niloko nga ito ng walanghiyang si Bogs. Masama ang ginawa kay Mam. Nagalit si Zac kay Bogs kaya hinanap niya ito. Nang makita niya, walang sabi-sabi na inupakan niya ng suntok. Hindi na siya nag-isip pa at basta ginawa ang nasa isip para maiganti si Mam Dulce. Hindi niya hahayaang saktan ni Bogs si Mam Dulce. Ang sinumang manakit sa taong pinagkakauta-ngan niya nang malaki ay makakatikim ng bagsik ng kamao niya. Naimadyin niyang napangiwi si Bogs nang tamaan ng kanyang suntok sa panga. Malakas ang pagkakasuntok niya sa panga ng walanghiya. Dahil may edad na si Bogs e mahina nang kumilos kaya hindi na nakaganti. Naiganti niya si Mam!

Napahinga nang malalim si Zac sa bahaging iyon ng kanyang pag-iimadyin. Kung magkakatotoo ang kanyang iniimadyin para kay Mam Dulce, ganoon talaga ang gagawin niya sakali’t saktan ito ni Bogs. Hindi niya pababa-yaan si Mam kapag may umagrabyado rito.

Napahinga uli nang malalim si Zac. Hanggang mapailing-iling. Grabe na talaga ang pag-iisip niya sa kalagayan ni Mam kay Bogs. Baka naman siya lang ang nag-iisip nang masama samantalang si Mam ay enjoy na enjoy kay Bogs. Ilang beses na niyang sinabi sa sarili na huwag nang manghimasok sa pribadong buhay ni Mam pero matigas ang kanyang ulo. Aywan nga ba niya kung bakit? Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman para kay Mam Dulce. Basta kakaiba ang nararamdaman niya.

Napahinga muli siya nang malalim. Hindi niya alam kung saan ito hahantong.

 

NAGBUNGA agad ang mga pinakitang kahusayan ni Zac sa kompanyang pag-aari ni Mam Dulce. Wala pang isang taon mula nang maemploy siya sa departamento, siya na ang napipisil na hepe nito. Hangang-hanga sa kanya ang general manager.

“Congratulations, Zac! Ikaw na ang hepe ng department. Mahusay ka talaga!’’

“Salamat po Sir.’’

“Hindi ako magtataka na in the future na isa ka na sa top bossing dito. Magaling ka e. Bilib talaga ako sa’yo.’’

Hindi makapaniwala si Zac. (Itutuloy)

 

vuukle comment
Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with