Damo sa Pilapil (68)
“ABA malapit na ‘yun Zac,” sabi ng matandang janitor na parang gustung-gusto nang si Zac ang maging manager. “Parang kailan lang e messenger ka pero ngayon, may sarili ka nang mesa.’’
“Marami akong kakaining kanin, Manong.’’
“Basta kapag nangyari iyon, huwag mo naman akong kalimutan, Zac. O kaya yung anak ko na lang ang ipapasok ko rito. Matatapos na sa kolehiyo ang anak ko.’’
“Huwag kang mag-alala Manong at tutulungan kita.’’
“Salamat Zac. Alam kong magtatagumpay ka dahil mabait at mapagkakatiwalaan ka.’’
“Salamat Manong.’’
“Hindi ka katulad ng isang bisor diyan na akala mo e nabili na niya itong kompanya. Super yabang e galing din naman sa wala. Bakit ganun Zac, kung sino pa ang galing sa wala e siya pang mataas at abusado.’’
Ngumiti lamang si Zac.
“Sige po Manong, punta na ako sa department ko.’’
Mula nang maging regular na empleado si Zac at mayroon nang sariling table, lagi niyang napapansin na padaan-daan sa kanilang department ang bisor na asar sa kanya. Titingnan siya nang matalim.
Minsan, nagkatinginan sila. Titig na titig sa kanya na parang lalamunin siya.
(Itutuloy)
- Latest