Ang Magkapatid
(Simula)
ISANG linggo nang nakahiga si Anna Rose at dumadaing ng pananakit at paninikip ng dibdib. Para raw may nakadagan sa dibdib. Pinayuhan ng kasamang tindera sa palengke na magpatingin sa doctor pero binalewala. Isa pa’y wala siyang pambayad sa kunsulta. Katwiran niya ay mawawala rin ang paninikip ng dibdib. Ipapahinga lang niya.
Kung maaari ayaw niyang dumaing sa dalawang anak --- kay Ipe at Ada – sa nararamdaman niya. Hangga’t maaari ayaw niyang mamroblema ang dalawang anak. Si Ipe ay nasa high school at si Ada ay nasa elementarya.
“Kunin mo yung pitaka ko Ada at bibigyan ko ng baon si Kuya mo.’’
Kinuha ni Ada ang pitaka na nakapatong sa mesa. Papasok na si Ipe ng umagang iyon.
“Mag-ingat ka sa pagtawid sa kalsada, Ipe, may nasagasaan daw diyan noong isang araw.’’
“Opo Mama. Uuwi po ako nang maaga mamaya.’’
“Bakit?’’
“Ako po muna ang magtitinda sa palengke.’’
“Huwag na. Si Mareng Karla na lang bahala roon. Huwag mong intindihin ang tindahan.’’
“Masakit pa po ba ang dibdib mo Mama?’’
“Hindi na gaano. Gagaling na ako.’’
Binalingan ni Ipe si Ada.
“Bantayan mo si Mama. Uuwi agad ako.’’
“Oo Kuya. Buti wala kaming pasok ngayon.’’
“Bibili ako ng iuulam natin Mama. Dadaan ako sa palengke. Meron pa naman akong natirang pera.’’
“Sige, Ipe. Mag-ingat ka sa pagtawid.’’
“Opo.’’
Hinalikan ni Ipe ang ina sa pisngi at lumabas na sa maliit nilang kuwarto. Lalakarin niya ang patungo sa public high school.
ISANG umaga, naghahanda si Ipe ng kanilang almusal nang biglang sumigaw si Ada.
“Kuyaaa! Kuyaaaa! Si Mama, hindi na yata humihinga!”
(Itutuloy)
- Latest