Salome (140)
ANG kaligtasan ng kanyang daddy ang nasa isip ni Mac. Ngayong marami na siyang nalaman sa mga nangyayari sa kanilang bahay, idagdag pa ang mga pinagtapat ni Manang Sabel, kailangang makausap niya ang kanyang daddy. Hindi na siya magpapatumpik-tumpik pa at sasabihin ang lahat nang lihim ng asawa nitong si Pilar. Pati na rin ang mga ginawa nito kay Salome.
Tinawagan muna niya ang kanyang daddy at hiniling na mag-usap. Galit ang kanyang daddy nang mag-usap sila. Sinisi siya kung bakit dinala si Salome.
“Ahas ang dinala mo, Mac. Kung alam ko lang na traidor ang Salomeng yun, hindi ko na tinanggap. Pati si Pilar, tinangkang patayin.’’
“Mag-usap tayo, Daddy. Marami ka pang hindi nalalaman.’’
“Ano pa ang pag-uusapan natin? Hindi na. Magkanya-kanya na tayo.’’
“Pakinggan mo ako Daddy. Kahit ngayon lang. Mag-usap tayo.’’
“Punyeta! Ano bang pag-uusapan natin?’’
“Hindi ko puwedeng sabihin sa phone. Kailangang mag-usap tayo nang masinsinan. Please Daddy, marami kang dapat malaman.’’
Natahimik si Sir Hector. Buntung-hininga lang nito ang narinig ni Mac. Nag-iisip marahil.
“Please Daddy. Dito na lang sa bahay natin sa Bustillos tayo magkita. Hindi ako aalis. Hihintayin kita.’’
Narinig muli ni Mac ang bunting-hininga.
“Okey sige.’’
Nakahinga nang maluwag si Mac.
MAKALIPAS ang isang oras ay dumating ang kanyang daddy sa lumang bahay nila sa Bustillos.
Halatang may kinikimkim na galit ang kanyang daddy. Hindi ngumiti nang batiin niya.
“O anong pag-uusapan natin?’’
Hindi na nagpatumpik-tumpik si Mac. Binulgar na niya.
“Matagal ka nang niloloko ng asawa mo Daddy. Habang nasa abroad ka nakikipagrelasyon siya sa ibang lalaki. At alam mo kung sino ang lalaki? Ang driver n’yo! At mayroon siyang binabalak sa iyong masama.’’
“Punyeta ka, Mac! Bakit pati si Pilar ay pinag-iisipan mo nang masama. Si Salome ang traidor bakit si Pilar ang binabanatan mo? At anong nakikipagrelasyon siya? Anong kataranduhan ang sinasabi mo?’’
“Bakit hindi ka mag-imbestiga Daddy.’’
(Itutuloy)
- Latest