Salome (115)
HINDI gumagawa ng ingay si Sir Hector para masorpresa si Mam Pilar. Hindi talaga siya tumawag o nag-text sa asawa para sabihing darating siya. Dati tumatawag siya para magpasundo sa NAIA. Ngayon ay kakaiba ang pagdating niya, nagtaksi nga lang siya para mailihim ang pagdating. Tiyak na hindi mailalarawan sa mukha ni Pilar ang pagkabigla kapag nakita siya. Siguro ay tulog na tulog na si Pilar. Sigurado siyang nasa kuwarto ang asawa dahil nasulyapan niya sa garahe ang Chedeng. Tamang-tama na hindi nag-casino si Pilar. Mabuti at wala itong lakad.
May sarili siyang susi kaya walang problema. Mabubuksan niya ang pinto na hindi namamalayan ni Mam Pilar.
Dinukot niya ang susi sa bulsa at ipinasok sa seradura. Dahan-dahan niyang pinihit. Klik!
Itinulak niya ang pinto. Madilim sa loob. Humakbang siya papasok. Nakita niya si Pilar na nakahiga at balot ng kumot.
Dahan-dahan siyang lumapit at naupo sa gilid ng kama.
“Pilar!’’ tawag niya rito.
Pero hindi kumikilos si Pilar. Tulog na tulog yata.
“Pilar, narito na ako. Pilar!’’
Nang hindi pa kumilos ay dahan-dahan na niyang tinapik si Pilar sa braso.
“Pilar! Pilar!’’
Hanggang sa kumilos si Pilar. Hinawi ang kumot. Hanggang iniangat ang ulo. Nakatingin lang ito kay Sir Hector.
Saka biglang nagsisigaw.
“Huwag! Huwag! Huwag mo akong barilin!’’
Gulat na gulat si Sir Hector.
“Pilar, ako si Hector! Bakit ka sumisigaw!’’
Pero patuloy pa rin si Mam Pilar sa pagsigaw.
(Itutuloy)
- Latest