Salome (112)
“KAYA pala takot na takot ka, Pilar. Parang na-trauma ka dahil sa pamamaril ni Salome, ’’ sabi ni Sir Hector habang hinihimas-himas ang likod ng asawa.
“Mula nang mangyari iyon, lagi kong nakikita ang pagbuga ng apoy mula sa baril! Gusto kong magsisigaw at umiyak.’’
“Kawawa ka naman. Hindi na ako aalis mula ngayon para mabantayan ka.’’
Napalunok si Mam Pilar sa sinabi ni Sir Hector. Kung hindi na ito aalis, paano sila ni driver/lover Jeffrey.
“Makakarekober naman ako, Hector. Ang trabahuhin mo na lang ay kung paano maipakukulong si Salome. Kapag nakulong siya, wala nang problema. Puwede ka nang umalis muli.’’
“Talagang ‘yan ang gagawin ko. Sisiguruhin kong makakalaboso si Salome.’’
Napahikbi si Mam Pilar pero wala namang luha. Muling hinimas ni Sir Hector ang likod nito.
‘‘Siyanga pala, mayroon akong regalo sa’yo. Magugulat ka, Pilar.’’
“Ano yun?’’
“Teka at kukunin ko sa aking attaché case.’’
Kinuha ni Sir Hector at pagbalik dala na ang isang itim na lalagyan ng alahas. Binigay kay Pilar.
“Buksan mo.’’
Binuksan ni Pilar.
Halos lumuwa ang mga mata ni Pilar sa nakita. Isang mamahaling kuwintas.
‘‘Ang ganda nito Hector. Ito ang gusto ko.’’
‘‘Talagang binili ko ‘yan para sa iyo. Mahal na mahal kita Pilar.’’
“I love you Hector!’’ sabi naman ni Mam Pilar at hinalikan sa labi ang asawa.
KINABUKASAN, habang naliligo si Sir Hector ay agad pinuntahan ni Mam Pilar si Amy sa kuwarto nito. May benda ang braso ni Amy.
“Amy, kapag tinanong ka ni Sir Hector kung sino ang bumaril sa’yo, sabihin mo si Salome.’’
“Bakit po?’’
“Basta yun ang sabihin mo, tapos!’’
(Itutuloy)
- Latest