Salome (32)
HABANG pumapasok ang Chedeng ay wala pa ring tigil sa kapuputak si Mam Pilar. Mainit na mainit ang ulo. At si Salome ang napagbalingan. Ininsulto nang todo.
“Ang bagal mong kumilos. Akala ko kapag laki sa probinsiya ay maliksing kumilos. Hindi pala! Sayang lang ang pinasusuweldo ko sa’yo. Hindi sulit! Buwisit!”
Pero hindi na pinansin ni Salome ang mga nakakainsultong pananalita ni Mam Pilar. Kaysa pansinin niya at masaktan ang kalooban, pinadaan na lamang niya sa kaliwang taynga ang mga pananalita. Hindi siya kayang pabagsakin ng mga pananalita ni Mam Pilar. Siya ang matatalo kapag nasaktan at sumuko. Hindi siya makakatapos ng pag-aaral. Hindi niya maiaangat ang buhay nilang mag-ina. Siya lamang ang inaasahan ng kanyang inay kaya mapagtitiisan niya ang lahat. Kaya niya kahit ano pang nakaiinsultong pananalita ni Mam Pilar.
Marahan niyang isinara ang gate nang lubusang makadaan ang Chedeng. Nang inaakala niyang nakapasok na sa loob ng bahay si Mam Pilar ay nagbalik siya sa paggagamas sa mga damong nasa puno ng santol Bangkok. Naidasal naman niya na huwag na sana siyang lapitan ni Rocco para kausapin. Kapag nakita siya na nakikipag-usap kay Rocco, siya ang malilintikan at hindi si Rocco.
Hindi na siya nilapitan ni Rocco. Tinapos niya ang paggamas sa damo na nasa mga puno.
Nang kumain siya ng tanghalian, palihim niyang ikinuwento ang mga nangyari kung paano siya minura-mura ni Mam Pilar.
“Talunan na naman yun sa sugal sa casino. Ikaw ang napagbalingan.’’
“Malaki po ba ang natatalo kay Mam Pilar?’’
“Sigurado yun. Baccarat daw ang nilalaro ni Mam Pilar.’’
“Ano po yun?’’
“Hindi ko rin alam.’’
“Umuusok po ang ilong sa akin. Ang kupad ko raw.’’
“Huwag mo na lang intindihin.’’
“Ganun nga po ang ginagawa ko.’’
“Pagpinansin mo, ikaw ang talo.’’
Napatango si Salome.
(Itutuloy)
- Latest