Sinsilyo (52)
HINDI mapakali si Gaude habang naglalakad kasabay si Lolo Kandoy. Gusto niyang malaman kung may alam si Lolo Kandoy sa sinabi ni Tito Mau na pagbabago ng mga latang may sinsilyo. Hindi siya naniniwalang may kinalaman doon si Lolo Kandoy.
“Lolo, nakapasok ka na ba sa kuwarto ni Tito Mau?” tanong niya sa marahang pagsasalita.
“Naku bawal pumasok dun!”
“Nakapasok ka na po roon?’’
“Oo. Minsan lang.’’
“Matagal na po?”
“Oo. Matagal na. Minsan lang ‘yun.’’
“Bakit ka po nagpunta sa kuwarto?’’
“Kuwan, kasi’y ano, may dinala ako roon…’’
“Ano po yun?’’
“Hindi ko na matandaan…’’
Sa isip ni Gaude ay parang may nililihim si Lolo Kandoy.
“Hindi mo po maalala?”
“Hindi!’’
Hindi na nagpumilit si Gaude. Malilimutin na nga siguro si Lolo Kandoy.
“Pero bakit mo po nasabing bawal pumasok? Pinagsabihan ka po ni Tito Mau?”
“Oo. Huwag na raw akong papasok dun.”
“Kailan po sinabi?’’
“Nun ngang pumasok ako roon. Basta huwag na raw uli akong papasok dun. Mula nga noon, hindi na ako pumasok. Noon ko nga napansin na nagbago ng pakikitungo sa akin si Mau. Pero sinunod ko. Sino ba naman akong tututol ay ampon lang ako.’’
“Talaga pong hindi ka na pumasok dun?”
“Oo. Hindi na. Matagal na,” sabi at saka tumingin sa kanya nang makahulugan. “Teka ba’t tinatanong mo?”
Hindi na nakatiis si Gaude.
“Kasi po, mayroon daw pumasok sa kuwarto ni Tito Mau at mayroong gumalaw sa mga lata na may lamang sinsilyo…’’
“Ako ang pinagbibintangan?”
(Itutuloy)
- Latest