2 Maute terrorist patay sa encounter, 1 pa timbog
MANILA, Philippines - Napaslang ang dalawang pinaghihinalaang notoryus na miyembro ng Maute terrorist group matapos makasagupa ang nagrespondeng security forces habang isa pa ang nasakote sa bigong pagtatangka na karnapin ang behikulo ng isang negosyante sa Iligan City nitong Biyernes.
Kinilala ni Captain Jo-Ann Petinglay, Spokesperson ng AFP Western Mindanao Command ang mga napatay na terorista na sina Azzam Ampua Tahir at isang alyas Wowie.
Bandang alas-8:45 ng umaga, ayon kay Petinglay habang minamaneho ng negosyanteng si Othelo Adiong, 36 ang kaniyang pickup kasama ang kaniyang pamilya nang harangin ng isa pang behikulo na sinasakyan ng mga suspek sa kahabaan ng C-3 Road, Brgy. Ubaldo Laya, Iligan City.
Walang nagawa si Adiong matapos na tutukan ng baril ng mga suspek kung saan pinababa ito at kaniyang pamilya sa sasakyan na tinangay ng mga armadong suspek.
Agad namang humingi ng tulong si Adiong sa mga nagpapatrulyang elemento ng Special Action Force (SAF) na agad ding rumadyo sa tropa ng mga sundalo at tinugis ang mga suspek katulong ang mga CAFGU.
Nakorner naman ng tumugis na security forces ang behikulong sinakyan ng dalawang kasapi ng Maute terror group sa kahabaan ng Camague Road kung saan nagkaroon ng palitan ng putok matapos puntiryahin ng pamamaril ng mga terorista ang mga awtoridad na ikinasawi ng dalawang sa mga suspek.
Nasakote naman sa operasyon ang kasamahan ng mga suspek na si Eyeman Alonto na siyang driver ng behikulo ng mga suspek. Nasamsam sa lugar ang isang M4 rifle at isang cal. 45 pistol.
- Latest