Sr. Graft Investigator , abogado, arestado
MANILA, Philippines - Humantong sa kulungan ang isang Senior Graft investigator ng Office of the Ombudsman at pinsan nitong abogado matapos masakote ng National Bureau of Investigation sa entrapment operation sa Lingayen, Pangasinan kamakalawa.
Ayon kay NBI Director Dante Gierran, sina Leonardo Nicolas, Senior Graft investigator ng Ombudsman at kanyang pinsan na si Atty. Isagani Nicolas, labor arbiter sa National Labor Relations Commission (NLRC), ay inaresto ng mga tauhan ng NBI-Special Task Force sa isang hotel matapos tanggapin ang ‘marked money’ na kanilang hiningi mula kay Pangasinan Rep. Amado Espino at sa anak nitong si Bugallon, Pangasinan Municipal Mayor Amado Espino Jr..
Nag-ugat ang pag-aresto sa dalawa nang magreklamo si Espino laban kay Nicolas sa NBI at sinabing noong Mayo ay tumawag si Nicolas sa Provincial Legal Officer at Provincial accountant at nanghihingi umano ng pera kapalit ng pagdismis sa kasong graft ng mag-ama na isinampa sa Ombudsman.
Humihingi umano si Nicolas ng halagang P1.3 milyon para sa dismissal ng siyam na alegasyon laban kay Espino Jr., habang humihingi naman si Nicolas ng halagang P3 milyon para naman maayos ang tatlong nakabinbing kaso laban sa mambabatas.
Ikinasa ang operasyon at nasakote sa entrapment operation ng NBI operatives ang mga suspek.
- Latest