^

PSN Opinyon

‘Huling palugit’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

PAGKAKAROON ng regular na trabaho at hindi yung pagdating ng anim na buwan ay sisibakin ka na dahil tapos na ang kontratang pinirmahan.

Malaking porsiyento ng manggagawang Pilipino na kapag patapos na ang anim na buwang pagtatrabaho sa kompanya ay kinakailangan na kaagad maghanap ng malilipatan para hindi magutom ang kanilang pamilya.

Isa sa pangakong binitiwan ni Presidente Rodrigo Duterte ay ang pag-aalis sa endo o end of contract ng mga manggagawa.

Ang pagkakaroon ng endo ay isa rin sa dahilan kung bakit malaki ang porsiyento ng mga Pilipinong walang trabaho.

Sa rami nang nananawagan na matigil na ang endo umapela si Presidente Duterte na bigyan sila ng sapat na panahon para maipatupad ito.

Siniguro niya sa mga manggagawang Pilipino na tutuparin niya ang kanyang pangako.

Ipinaliwanag ng Presidente na hindi madali ang pagpapatupad nito. May mga industriyang kinakailangang isaalang-alang at may mga bagay na kailangan pag-aralan.

May ikinokonsidera rin daw ditong mga negosyo tulad na lamang ng may kaugnayan sa agrikultura na seasonal. Hindi lahat ng panahon ay pwedeng magtrabaho rito ang mga manggagawa.

Bagamat hindi pa maipatupad ang nais ng Presidente ngayon dahil may mga bagay pang kailangang ayusin. Ang ating labor code naman ay naggagarantiya sa karapatan ng isang manggagawa sa security of tenure.

Bago pa man lumapit sa kanya ang ilang manggagawa para matigil na ang endo sa bansa ay alam na niya ang mga kahilingan nito. Nakipag-usap na rin daw siya sa labor department at inutusan ang mga ito na bantayan ang halos 1.2 business establishments sa bansa.

Sa rami at laki ng kailangang i-monitor at inspeksiyonin ng labor hindi sapat ang kanilang tauhan para maka-quota man lang ng isang libo bawat araw.

Para solusyonan ang problemang ito ay magdadagdag ng tao si Presidente sa labor upang magawa ang kanyang iniuutos.

Ang mga labor unions at staff nila  ang dapat mag-inspeksyon ngunit hiling ng Presidente na magbigay sila ng totoong mga ulat.

Kung sakaling magsisinungaling sila sa kanilang report ay mapapahiya lamang siya.

Tungkulin ng pamahalaan na protektahan at ipaglaban ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa. Sila ang dapat gumawa ng paraan upang masagot ang mga hinaing ng mga tao.

Dapat itrato ng naaayon sa batas at dapat makatao ang mga nagtatrabaho. May tamang sahod, makatarungang oras ng pagtatrabaho at may natatanggap na benepisyo.

Kalimitan sa mga contractual hindi sila nabibigyan ng benepisyo.

Idiniin din ng Presidente ang tungkulin ng DOLE na lumikha ng mga trabaho at mapababa ang bilang ng mga taong walang trabaho.

Sabi nga ng ilan lahat tumataas, bilihin, pamasahe at iba pang produkto pero ang kanilang mga sahod hindi naman tumataas.

Mas lalo silang naghihirap dahil ang ilan ay walang regular na mapagkakakitaan at kapag nag-apply sila sa ilang kompanya ay bibigyan lamang sila ng anim na buwang kontrata.

Makalipas ang anim na buwan ay nanganganib na magutom ang kanilang pamilya.

Sa naging talumpati ng Presidente ay wala siyang nabanggit na tataas ang minimum wage ng mga manggagawa. Ito ang isa sa kahilingan ng ilang grupo para mamuhay ng masagana o yung hindi ka laging kapos sa mga pangunahing pangangailangan bawat buwan.

Kung madalas nating nababalitaan na hindi magkatulad ang opinyon ng Presidente at ng bise Presidente ngayon naman ay parehong kontra sa endo ang dalawa.

Kaisa si VP Leni Robredo na matigil na ang endo sa bansa.

Wala dapat manggagawa na naaabuso ng mga kompanya o ng kanilang mga amo.

Hindi sila dapat pinagtatrabaho ng sobra sa oras na dapat nilang ipamalagi at kung talagang hindi maiiwasan ay nararapat lang na bayaran sila ng tama.

Ang ilan sa ating mga kababayan ay umaayon na lang sa pagi­ging contractual dahil mas iniisip nila na mas mabuti pang ito kaysa naman magutom ang kanilang pamilya.

Kahit papaano ay may mapagkakakitaan sila kahit pa ang ilan sa kanila ay naaabuso na ang kanilang karapatan dahil hindi naman nababayaran ng tama kumpara sa serbisyong ibinibigay nila.

Sana lang ang hinihiling na palugit ng Presidente ay hindi matulad sa isyu ng droga na nagsimula ng tatlong buwan at nanghingi ng palugit ng anim na buwan pero hanggang ngayon hindi pa rin nasusugpo ang droga sa bansa.

Nauunawaan namin ang tungkol sa isyu ng droga pero ang tungkol sa endo sana ay mapag-aralan itong mabuti kung anuman ang kailangan nilang rebisahin o ayusin.

Magkaroon na ng solusyon at makapaglabas na kaagad ng Executive Order tulad nang sinasabi ng Presidente para matigil na ang endo.

Hindi naman mayayaman ang naaapektuhan ng endo kundi ang mga mahihirap na nagsusumikap na magtrabaho at magbanat ng buto para lang may maiuwing pera sa pamilya.

Kapag naisabatas na ang pagpapatigil ng endo dapat ipagpatuloy din ang pagbabantay sa mga kompanya at patawan ng karampatang parusa ang mga negosyanteng patuloy itong paiiralin.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Nais kong humingi ng paumanhin kay Ms. Joy dela Paz ng PLDT San Pedro nang maisulat kong siya ay staff ng PLDT sa lugar na yun. Si Ms. Dela Paz ay ang OIC ng San Pedro branch ng PLDT kaya pala ganun siya kagaling at napakahusay makitungo sa mga subscribers ng PLDT.

Minsan pa pinamalas niya ang kanyang deep sense of public service nang tutukan niya ang aming kahilingan tungkol sa aming problema sa telepono. Hindi siya bumitiw hanggat hindi naayos ito gayung napakadali namang ito’y iutos sa kanyang ibang tauhan. Kaya’t Manny Pangilinan at Rey Espinosa hoy gising! At dapat mong kilalanin ang ginagawa ng OIC na ito na kahit holiday nagtatrabaho pa rin.

vuukle comment

RODRIGO DUTERTE

Philstar
x
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with