Belga nakaiwas sa suspension
MANILA, Philippines - Kumpara sa parusa kay Ronald Tubid ng San Miguel ay nakaiwas sa suspensyon si Rain or Shine big man Beau Belga.
Pinagmulta si Belga ng kabuuang P30,000 ng Office of the Commissioner dahil sa dalawang insidente sa 102-105 kabiguan ng Elasto Painters laban sa Alaska Aces sa 2017 PBA Commissioner’s Cup noong Linggo.
Ang multang P20,000 ay para sa flagrant foul 2 ni Belga matapos batuhin ng bola si Yutien Andrada, samantalang ang P10,000 ay kaugnay sa pagbangga niya kay Corey Jefferson habang nasa ere ang Alaska import.
Kamakailan ay pinatawan si Tubid ng multang P30,000 bukod pa sa two-game suspension matapos ang kanyang ‘closed fist’ kay 2016 PBA Rookie of the Year Chris Newsome ng Meralco sa isang rebound play sa 99-92 panalo ng San Miguel noong Linggo.
Ang lahat ng multa ay diretso sa Players’ Trust Fund. - RCadayona
- Latest