Romeo, Guevarra bibida sa PBA All-Star Game
MANILA, Philippines - Si scoring guard Terrence Romeo ng Globalport ang inaasahang magpapatay ng ilaw dahil sa kanyang three-point shooting, habang ang lumilipad namang si Rey Guevarra ng Meralco ang magpapanganga sa mga fans sa Skills Competitions ng 2017 PBA All-Star sa Abril 28 sa Quezon Convention Center sa Lucena.
Ang nasabing skills competitions ay panghimagas lamang para sa pagharap ng PBA Luzon All-Stars kontra sa Gilas Pilipinas.
Unang lalabanan ng Gilas ang Mindanao selection sa Cagayan de Oro sa Abril 26, habang makakatapat ng SEA Games-bound Nationals ang Visayas squad sa Abril 30 sa Cebu City.
Target naman ni Romeo ang kanyang ‘three-peat’ sa Three-Point Shootout at hahamunin nina Chris Tiu (Rain or Shine), Simon Enciso (Alaska), LA Tenorio (Ginebra), Gary David (Mahindra), Juami Tiongson (NLEX), Jared Dillinger (Meralco), Allein Maliksi (Star), Larry Fonacier (TNT Katropa), Ronjay Buenafe o Michael DiGregorio (Blackwater) at Marcio Lassiter (San Miguel).
Hangad ni Romeo na mapantayan ang tatlong sunod na paghahari ni Mark Macapagal sa nasabing event noong 2010-2012.
Samantala, pupuntiryahin naman ni Guevarra ang kanyang ikaapat na dikit na korona sa Slam Dunk Competition.
Ang mga magpipilit tapusin ang paghahari ni Guevarra ay sina dating slam dunk winners Justin Melton (Star) at Gabe Norwood (Rain or Shine) at sina Chris Newsome (Meralco), Calvin Abueva (Alaska), James Forrester (Blackwater), Japeth Aguilar (Ginebra), JC Intal (Phoenix), Van Opstal (San Miguel) at Moala Tautuaa (TNT Katropa).
Idedepensa naman ni Rain or Shine guard Maverick Ahanmisi ang kanyang titulo sa Obstacle Challenge laban kina Melton, Chris Banchero (Alaska), Roi Sumang (Blackwater) Sol Mercado (Ginebra), Stanley Pringle (Globalport), LA Revilla (Mahindra), Emman Monfort (NLEX), Ed Daquiaog (Meralco) at RJ Jazul (Blackwater).
- Latest