Spurs tinakasan ang Cavs sa OT
CLEVELAND -- Nagsalpak sina center LaMarcus Aldridge at guard Patty Mills ng malalaking baskets sa overtime para igiya ang San Antonio Spurs sa 118-115 panalo laban sa Cavaliers.
Tumipa si Mills ng isang krusyal na three-point shot sa huling dalawang minuto ng extra period para sa 114-113 abante ng Spurs.
Kumamada naman si Aldridge ng isang 20-footer para iwanan ang Cavaliers sa 116-113 sa nalalabing 38 segundo.
Tumapos si star forward Kawhi Leonard na may 41 points mula sa 15-of-30 fieldgoal shooting para sa ika-34 panalo ng San Antonio sa 43 games.
Nagdagdag naman si Aldridge ng 16 points, habang may 13 markers si Mills.
Nabigo ang Cleveland na maduplika ang nauna nilang panalo laban sa Phoenix Suns.
Umiskor sina LeBron James at Kyrie Irving ng tig-29 points para sa Cavaliers, habang may 14 at 13 markers sina Tristan Thompson at Kevin Love, ayon sa pagkakasunod.
Ito ang ika-11 kabiguan ng Cleveland sa 41 outings.
Sa Atlanta, dumiretso ang Hawks sa ikalawang sunod na panalo nang pigilin ang three-game winning run ng Philadelphia 76ers sa bisa ng 110-93 tagumpay.
Humataw si Paul Millsap ng 22 points, habang nagtala si Kent Bazemore ng 16 points para sa ika-26 panalo ng Atlanta sa 44 laro.
Sa Denver, kumolekta si Nikola Jokic ng 19 points at 10 rebounds para ihatid ang Nuggets sa 123-98 paggupo sa kulang sa puwersang Los Angeles Clippers.
Nag-ambag sina Danilo Gallinari at Will Barton ng tig-18 points para sa Denver.
Hindi naman naglaro para sa Clippers dahil sa injury sina star point guard Chris Paul at power forward Blake Griffin.
Sa iba pang laro, tinalo ng naman Portland Trail Blazers ang Boston Celtics, 127-123; tinakasan ng Detroit Pistons ang Washington Wizards, 113-112; pinadapa ng Charlotte Hornets ang Brooklyn Nets, 112-105; dinaig ng Phoenix Suns ang New York Knicks, 107-105; hiniya ng Miami Heat ang Milwaukee Bucks, 109-97; binugbog ng Houston Rockets ang Memphis Grizzlies, 119-95; binigo ng Chicago Bulls ang Sacramento Kings, 102-98.
- Latest